Friday, April 11, 2014

"HAPPY WEEKEND"

Ilang sandali na lang ang nalalabi at mag-uuwian na. Dahil Sabado na, naka-weekend mode na ang mindset ng mga tao. Hindi na sumasagot sa mga instant messenger chats at sa mga follow-up emails ng kabilang department. Marahil, nauna na rin sigurong umuwi ang mga boss at ang mga amo nila.

Seryosong nakatutok sa computer monitor ang lahat. Pinagmamasdan ang pagpatak ng mga nalalabing segundo sa desktop clock. Ang iba ay nagmamadali na sa pagliligit ng kanilang mga gamit.

"56, 57, 58, 59..." Sabik na hinihintay ang pagsapit ng alas diyes.

"End of shift guys...log-out," hiyaw ng mga kasama ko sa opisina. Lumipas na naman ang limang araw. Nakaraos din sa wakas sa limang beses na pag pasok sa trabaho.

Nag-uunahan na ang lahat sa pinto.

"Happy Weekend," ang umaalingaw-ngaw na bati ng isa sa mga kasama ko sa may hallway habang nagmamadali niyang hinabol ang papasarang pintuan ng elevator at pilit na siniksik ang sarili sa loob nito.

Happy Weekend, ito yung greeting na ayaw na ayaw kong naririnig noong nagtratrabaho pa ako sa Qatar.

Sa bansang ito, nagsisimula ang work-week calendar ng Sabado o ng Linggo, depende sa management ng company, at nagtatapos ng Huwebes. Dahil isang Muslim na estado ang Qatar, para sa kanila sagrado ang araw ng Biyernes. Kaya ang weekend doon ay Thursday-Friday at kung hindi nama'y Friday-Saturday.

Meron din namang Saturday-Sunday na weekend kaso bihira lang ito. Kadalasan, mga company na under American management lang ang sumusunod sa ganitong work-week calendar.

Naalala ko sa dati kong pinapasukang company sa Qatar, mga 5 and 1/2 days ang bilang ng pasok sa isang linggo sa trabaho. Half-day ang araw ng Huwebes at wala akong pasok sa buong araw ng Biyernes.

8am ang simula ng araw ko noon hanggang 12.30 ng tanghali. May isa't kalahating oras na pagitan para sa lunchbreak at syesta. Muling bubuksan ang opisina ng 2pm at tuloy-tuloy na ito hanggang alas 8 ng gabi.

Napagtiyagaan ko rin ng ilang buwan ang routine na ito. Ngunit nang tumagal, dahil sa pagkapurga ko sa haba ng work hours, ang pagbibilang ng oras ang naging bunga ng paulit ulit na schedule na ito.

Ito yung mga panahon na pag dating ko ng opisina ay bibilangin ko kung ilang oras na lang ang bubunuin ko bago sumapit ang lunchbreak. Pag dating naman ng tanghali, bibilangin ko rin kung ilang sandali pa ang kailangan kong gugulin bago magsimula ang pasok ko sa hapon.

Magbibilang din muli ako ng oras sa hapon kung gaano pa ako tatagal hanggang uwian sa gabi. At hindi pa natapos dito ang lahat dahil maging sa pag-uwi ko ng bahay ay binibilang ko pa rin kung ilang oras na lang bago magsimula muli ang bagong umaga.

Naisip ko yung dati kong Lebanese boss na si Mr. Moheiddin, para siyang male version ni Miranda Priestly sa The Devil Wears Prada.

Madalas silang mag-away nung dati kong kasamang Filipino. Paano ba naman, palagi siyang darating ng late sa office tapos sobrang late na rin siyang uuwi. Hindi tuloy masimulan ng maayos ang mga nakatakdang gawain para sa araw na iyon.      

Gusto niya na laging may tao pa ang opisina  kahit uwian na dahil may kailangan pa siyang tapusin. Ayaw niya ng may umuuwi ng sakto sa oras at ayaw niya ng may nauunang umuwi sa kanya. Hindi ko maintindihan dati kung bahagi lang ba ito ng kulturang Arabo o sadya lang talaga na wala silang respeto sa oras ng trabaho at sa oras ng ibang tao.

Hindi ko na-appreciate ang weekend noong nasa Qatar pa ako. Imbes na makapagpahinga ang isip ko sa araw ng day-off, para bang sinusundan ako ng lahat ng mga alalahanin sa opisina. Sa tindi ng stress sa trabaho, mas pipiliin ko pang matulog ng buong araw pag dumarating ang day-off dahil kinabukasan ay makikipagbuno na naman ako sa mga nakatambak na workload at to-do list. 

Hindi ko na magawang lumabas, mamasyal, at magliwaliw. Wala rin namang masyadong mapupuntahang pasyalan noong mga panahong iyon.

Konti lang ang mga bookstores (yun lang naman kasi ang madalas kong pinaglilibangan) at hindi rin naman hitik sa mga magagandang babasahin ang mga tindahan doon. Hindi mo rin naman masyadong ma-eenjoy ang panonood ng sine dahil sobrang dami na ng cut ng pelikula na gusto mong panoorin at yung iba nakadubb pa sa Arabic.  

Dagdag pa nito, ang sobrang init ng disyerto na para bang plantsa ng nagbabagang uling na dumadampi sa iyong balat. Kaya mas pinipili ng karamihan na pumirme na lang sa loob ng bahay kaysa lumabas.

Kapag nanonood ako ng TV Patrol sa TFC tuwing Biyernes, parang ayaw kong matapos ang buong programa. Maririnig ko na naman kasi yung "Happy Weekend" kapag nagpapaalam na yung mga newscasters. Yung panandaliang saya na nararamdaman mo pag nakakapanood at nakakapakinig ka ng balita mula sa sarili mong bayan ay mapapalitan ng lungkot sa dulo ng palatuntunan.

Dalawang bagay lang ang ibig sabihin nito para sa akin noon.

Una'y nasa ibang bansa na ako at wala na sa Pilipinas. Na nami-miss ko at hinahanap-hanap ko yung simple at magaan na pamumuhay ng mga Pinoy sa kanilang lupang sinilangan. At wala pa ring makakapalit nito san ka man magpunta saan mang dako ng mundo.

Pangalawa'y malapit nang matapos ang day-off ko at ilang oras na lang ay babalik na ulit ako sa trabaho. Mahirap, magulo, at madalas sakit ng ulo pero kailangan kong mag-tiis dahil may pangarap akong hangad na sana'y hindi tuluyang malihis.

Buti na lang at nandito na muli ako sa Pilipinas. Ngayon, buong puso ko nang masasabing "Happy Weekend Sayo Kaibigan."

          



              

                         





     

   

No comments: