Photo from:maidagency2.sulit.com.ph |
Noong araw ng alis niya, natatandaan ko na Christmas party namin noon sa day care center na pinapasukan ko. Habang nasa party ako, hindi ko alam kung bakit biglang sumama ang pakiramdam ko. Bigla na lang akong nilagnat at nagsuka.
Marahil ay nagkaroon ako ng episode ng separation anxiety. Kahit bata pa ako noon, alam ko na iyon na ang huling araw na makikita ko ang nanay ko dito sa Pilipinas. Napansin ng tatay ko ang pagiging malungkot at matamlay ko noong araw na iyon kaya hindi na niya ako isinama pa sa airport para ihatid ang nanay ko.
Habang nagtratrabaho sa Qatar si Mom, si Auntie na pangalawang ate ng Dad ko ang pumuno sa physical responsibilities na iniwan ng aking biological mother. Si Auntie ang buong pusong nagtiyagang nagpalaki sa amin ng kapatid ko.
Dati siyang isang yaya at kasambahay sa tahanan ng Ninong ko sa binyag. Nang lumipat ng tirahan ang pamilya ni Ninong sa Rizal ay hindi na nila siya isinama. Iyon din ang panahon na nangibang bansa ang aking ina.
Matagal nang isang kasambahay si Auntie. Simula pa noong kadalagahan niya ay lumuwas na siya ng Maynila upang mamasukan sa tahanan ng isang negosyanteng Intsik sa may Binondo. Sa kanyang murang edad ay kinailangan niyang lisanin ang lalawigan nila para makatulong sa Kuya at Ate niya at para rin mapag-aral nila ang kanilang dalawa pang nakakabatang kapatid - isa na rito ang tatay ko. Nakuwento rin ni Auntie na nang nag-asawa ng maaga ang nakababata niyang kapatid na babae ay siya rin ang naging katuwang nito sa tuition fee at ng iba pang gastusin ng aking mga pinsan sa lalawigan.
Hanga ako sa taglay na kasipagan ni Auntie. Hindi siya tulad ng isang ordinaryong kasambahay. May kapansanan siya - isa siyang pilay.
Naging ganito ang kalagayan niya nang nahulog siya sa bubong ng bahay ng amo niyang Intsik. Pilit niya kasing kinuha sa bubungan ang tumalbog na bola ng isa sa kanyang mga alaga. May naapakan siyang marupok na bahagi ng bubong. Nawalan siya ng balanse at tuluyang nahulog. Mabuti na lang at mabait ang amo niya. Sinagot nito ang pagpapagamot ni Auntie sa Philippine Orthopedic Center.
Sa kabila ng aksidenteng kanyang sinapit ay hindi niya hinayaan na maging balakid sa kanyang buhay ang kanyang natamong kapansanan. Bagkus, mas lalo pa itong nagsilbing motivation para sa kanya.
Si Auntie ang nagturo sa aming magkapatid na magbasa, magbilang, at magsulat. May mga test papers siyang pinapasagutan sa amin. Kapag na-perfect namin ang mga test na pinapasagutan niya ay ipinaghahanda niya kami ng masarap na merienda.
Si Auntie rin ang nagturo sa aming kumain ng gulay. Dati, ayaw na ayaw kong makakita nito sa aking plato. Pero kapag siya ang nagluluto ng gulay, tiyak na mauubos namin ito ng kapatid ko. Meron kasi siyang kakaibang technique sa pagpre-prepare at pagluluto ng gulay kaya mapa-dinengdeng, inabraw, o pinakbet ang nakahain ay sure na masisimot at masisimot ito.
Bukod sa gulay, panalo rin sa panlasa namin ang kanyang chicken-pork adobo, igado, nilagang baboy at baka, barbeque, sinigang na bangus, adobong pusit at balunbalunan, spaghetti with quail eggs, pansit, arroz caldo, ginataan, at biko.
Pagdating sa paglalabada ay masasabi kong expert si Auntie. Wala maduming puting damit ang hindi niya kayang paputiin nang husto. Kahit mga de-color na damit ay nagiging matingkad ang kulay. Ni wala akong maalalang damit na kumupas na nilabhan niya, maliban na lang talaga kung sadyang kupasin yung tela ng damit. At kahit na hindi siya gumamit ng Downy o Vernell ay kayang-kaya niyang gawing mahalimuyak ang amoy ng kanyang mga labada.
Naaalala ko tuloy, kapag umuuwi kami na marumi ang suot na damit ay tiyak na makakarinig kami ng sermon kay Auntie. Mahirap ang maglaba at magpiga ng mga damit, ang daing niya sa amin. Daing din niya ang hirap na inaabot niya sa pananakit ng kayang mga braso sa maghapong pagpipiga at pagsusugat ng kanyang mga daliri sa halos araw-araw na pagkukusot ng mga damit.
Champion din si Auntie kapag plantsahan ang usapan. Kahit na natambakan na siya ng plantsahin ay wala siyang pinapalagpas na kusot sa bawat piraso ng damit na kanyang pinapasadahan. Hindi ko maisip kung paano niya nagagawang pulido at malinis ang mga pinaplantsa niyang damit. Minsan, sinubukan kong gayayin yung style niya sa pagpla-plantsa. Ni hindi man lang umabot iyong mga pinalantsa ko sa kalingkingan ng ironing standards niya.
Pag uwi namin galing sa eskwela ay magaan ang pakiramdam namin dahil nadaratnan namin ang aming bahay na maayos, malinis, at kaaya-aya. Walang mahahagip na agiw, alikabok, o kahit na konting kalat. Parang merong taglay na magnet si Auntie sa kanyang pagwawalis, papaano'y sa isang hagod niya lang ng walis tambo ay marami na siyang nakalap na dumi. Kaya kung kami ang naglilinis ng bahay, palaging merong round two si Auntie. Gusto niya kasi talagang tiyaking malinis ang lahat sa aming bahay.
Kapag may sakit naman ang isa sa amin ng kapatid ko, si Auntie ang aming round the clock nurse. Siya ang matiyagang nagpupuyat para i-check ang aming temperature, nagpupunas sa amin ng maligamgam na bimpo, nagpapainom ng gamot, nagpapalit ng shirt na basa na ng pawis, nagpapakain sa amin ng mainit na lugaw o noodles, at nanghihilot sa mga sumasakit naming kasu-kasuan.
Natatandaan ko kapag nag-uuwi kami ng star, certificate, ribbon, o medal mula sa school - kahit hindi siya nakadalo sa mga school events, ay sobrang proud siya at ipinamamalita niya ito sa mga kapitbahay at sa mga iba pa niyang mga kakilala. Siya ang aming number one cheerleader. Para sa kanya ay nagbunga rin ang mga pagpipiga ng mga damit, paglilinis ng mga kwarto, at ang mga pagbubunganga lalo na kapag nagiging sobrang pasaway na kami ng kapatid ko.
Ito ang mga bagay na nami-miss ko kay Auntie. Sayang at wala na siya.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapatawad ang sarili ko dahil isa ako sa naging dahilan ng kanyang pagpanaw.
Sabado ng gabi noon, mga unang linggo ng Marso, nang magyaya ng inuman ang mga kasama ko sa trabaho. Sa bahay ng isa sa mga katrabaho ko sa Cavite kami nag-inuman. Inabot ako ng hating gabi sa bahay nila. Buti na lang at nakaya ko pang umuwi nang mag-isa ng madaling araw.
Linggo ng tanghali nang kinatok ako sa kwarto ni Auntie. Hiningi niya ang tulong ko para hulihin ang alaga naming aso. Papaliguan niya raw kasi ito. Nahihilo akong bumangon sa aking higaan. Ramdam ko pa ang epekto ng Red Horse sa aking sistema.
Habang hinuhuli ko si Madona, ang alaga naming aso noong time na iyon, ay naghain na si Auntie ng pananghalian. Mauna na lang daw kaming kumain at susunod na lang siya matapos niyang magpaligo ng aso.
Halos mahigit dalawang oras na at hindi pa lumalabas ng banyo si Auntie. Natapos na kaming kumain ng kapatid ko at nagsimula na rin kaming magligpit ng pinagkainan. Wala pa rin siya.
Tanging ang mabilis na pagpatak ng tubig sa gripo at ang aw-aw ng aming alagang aso ang aming narinig nang kinatok namin ang pinto ng banyo. "Auntie," ang tawag namin habang patuloy kami sa pagkatok. Walang sumagot.
Pilit naming binuksan ang pinto. Natigilan kami sa aming nakita. Tumambad sa amin ang nakahandusay na katawan ni Auntie sa may toilet bowl. Hindi na siya gumagalaw. Hindi na siya nakadilat. Nagpanic kami ng kapatid ko.
Sinugod namin siya sa ospital. Cerebrovascular Aneurysm ang naging ruling ng doktor na tumingin sa kanya. Kailangan niyang operahan sa utak sa lalong madaling panahon para mapigilan ang pagdudugo ng nasirang ugat sa kanyang ulo.
Naluha ako. Natakot. Sinisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Kung hindi sana ako nakipag-inuman at umuwi sana ako ng maaga noong gabing bago nangyari ang aksidente...Kung ako na lang sana ang nagpaligo sa alaga naming aso...Sana'y buhay pa siya at kasama namin ngayon.
Dasal ako ng dasal noong mga panahong iyon. Sana bigyan pa ni Lord si Auntie ng pagkakataong mabuhay.
Hindi ko na siya aawayin. Hindi ko na siya bibigyan ng sama ng loob. Magpapakabait na ako para hindi na siya magalit sa akin. Ito ang mga bagay na paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan sa apat na araw kong pagpunta-punta at pagbabantay sa ospital.
Naoperahan ng dalawang beses sa ulo si Auntie. Hindi na niya ito kinaya. Tinapat na kami ng doktor sa maaari niyang kahahantungan. Kapag nagdesisyon kami na manatili pa ang mga aparatong nakakabit sa kanya ay panghabambuhay na siyang magiging gulay. Hindi na rin namin ito kinaya. Nang nagflat line na ang monitor niya ay hindi na pina-resuscetate pa si Auntie.
Hindi ko magawang humagulgol noong burol at libing niya. Hindi ko alam kung bakit.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tuluyang nakakapagluksa ng maayos sa pagkawala ng aking tiyahin.
Sana nasabi ko man lang sa kanya na mahal ko siya. Sana naipakita ko man lang sa aking pangalawang ina na handa akong magbago para sa ikabubuti ng aking sarili. Dahil sa nangyaring ito ay hindi na muli ako tumikim ng kahit na ano mang alcoholic beverage.
I just miss my Auntie so badly. Things will never be the same without her. Wala na ang amoy ng mga bagong labang damit niya. Wala na ang mga malinamnam na gulay na hinahain niya. Wala na.
But I'm still hoping for that day to come...that very special day that I'll see her again in another lifetime.
Kung nasaan ka man naroroon Auntie, Happy Mother's Day...You may be my Mom number two but in my heart you'll always be first place. I love you and thank you for being a mother to me and to my sister. We'll never forget you.
[I have two mothers in my life, my biological mother and my Auntie - my second mom. This Mother's Day season, I decided to write something about the two women who have made me into the person that I am.]
No comments:
Post a Comment