Image From: techinasia.com |
Pero kahit na umatungal ako na parang leon sa galit, naisip ko noong mga sandaling iyon na wala na rin namang mangyayari at wala na rin naman akong magagawa pa. Hindi na rin mababalik pang muli sa akin ang natangay na Nokia 3310.
Nanghinayang ako. Apat na libo rin ang bili ko sa cellphone na iyon noong mauso ang model na ito at kasagsagan pa nito sa market. Idagdag pa sa aking panghihinayang ang mga mahalagang text messages, notes, at contact numbers na nakasave sa sim card ng aking CP na hindi ko na muling masisilayan. Sana binalato na lang sa akin ang sim card ng mandurukot.
Pinaubaya ko na lang kay Lord ang nangyari. Sana nakatulong sa mandurukot sa kung ano mang paraan ang konting halaga na mapagbebentahan o mapagsasanglaan niya ng ninakaw niyang mobile device.
Ako rin naman kasi ang may pagkakamali kung bakit ako nadukutan noong panahon na iyon. Una, sumakay ako sa ordinaryong bus na siksikan at naka-standing ovation ang mga pasahero. Pangalawa, ibinulsa ko sa front pocket ng aking maong ang aking cellphone. At pangatlo'y hindi ako naging alisto sa mga kapwa ko pasahero sa loob ng sinsakyan kong bus.
Sa pagkakatanda ko, may grupo ng mga mamang sumakay sa may Boni sa Mandaluyong. Mga tatlo hanggang apat na kalalakihan kung hindi ako nagkakamali. Nang nasa may tulay na ang bus, sa pagitan ng Boni at Guadalupe, ay may humatak sa laylayan ng aking pantalon. Natigilan at napatingin ako sa mamang gumawa noon.
Nang huminto ang bus sa bahagi ng Guadalupe ay dali-daling nagbabaan ang mga kalalakihan na nakapaligid sa akin. Nang makalagpas lang ng Orense ang aking sinasakyan ay doon lang ako nahimasmasan. Kinapa ko ang bulsa ng aking maong. Doon ko lang napagtanto na nadukutan na pala ako. Wala na ang aking 3310.
Sa buong buhay ko, siguro mga tatlong beses na akong nawalan ng cellphone. Bukod sa pangyayaring ito sa akin sa bus, natangayan din ako ng cellphone sa loob ng simbahan. Ang pinakahuling insidente kung saan ako nawalan ay sa loob ng dati kong inuupahang bahay. Ito iyong panahon na sinanla ng dati kong housemate ang aking Nokia Express Music 3250 nang hindi ko nalalaman.
Sa mga pagkakataong nawalan ako ng cellphone, naisip ko na sana may maimbentong cellphone na may advanced biometrics feature. Iyong tipong kapag hindi na-detect ng cellphone ang fingerprint ng tunay na may-ari nito ay bigla na lang itong mag-eemit ng kuryente, magse-self destruct, at sasabog gaya ng mga gadgets sa isang James Bond o Mission Impossible na pelikula.
Kung dati ay suntok sa buwan lamang ito. Sa panahon ngayon, kung saan naghari ang mga Android at IOS powered smartphones, ang posibilidad ng pagkakaroon ng reunion sa iyong nawawala at nanakaw na cellphone ay pwedeng-pwede nang mangyari.
Nitong mga nakaraang araw ay aliw na aliw ako sa pagtuklas ng mga iba't ibang nagsulputang anti-theft applications na maari mong i-install sa iyong smartphone.
May app na kapag na-install mo ay kaya nitong magpaingay ng malakas na tunog ng sirena kapag nagalaw mo ang iyong cellphone mula sa stationary position nito, tulad ng isang kotseng may alarm system na mag-iingay kapag piliit itong binuksan.
Meron ding app na kusang nag-aactivate ng camera ng cellphone na parang CCTV. Kinukunan nito ng surveillance ang paligid kung saan naroon ang phone at ipinapadala nito sa email ng may-ari ng phone ang nakalap na mga pictures. May facial recognition feature din ito na kayang kunan ang mukha ng taong may hawak ng phone nang hindi nito nalalaman at maipapadala din sa email and mga nakuhang snapshots.
Kung gusto mo namang i-lock ang iyong cellphone, bukod pa sa automatic locking system nito, kahit na wala ito sa iyong mga palad ay meron din app para dito. Mag-login ka lang sa website ng app provider mula sa internet, mag-assign ng 4-digit PIN para sa mobile device na gusto mong i-lock at ilang segundo lang ay naka lock na ang iyong phone. Kahit na ma-unlock ng kumuha ang internal locking system ng iyong android device ay dadaan pa rin ang kumuha ng phone sa security layer na ito at hihingan ang may hawak ng phone ng tamang PIN.
May GPS feature din ang app na ito na nakakapagsabi sa may-ari ng eksaktong location ng phone. Pwede mo ring paingayin ang nawawala mong phone kahit na naka remote ka mula rito sa pamamagitan ng siren feature ng app na ito. Kailangan mo lang i-activate ang feature na ito sa website ng developer. Kapag na-activate na ang feature na ito ay tiyak na makakarinig ang sino mang may tangan cellphone ng malakas na tunog ng sirena kahit naka silent mode pa ang volume ng cellphone.
Ilan lamang ang mga ito sa mga iba't ibang uri ng anti-theft applications na available ngayon para sa mga smartphones. Sa kasalukuyan ay marami pang mga dinedevelop na mga apps na naglalayong maprotektahan ang mga cellphone mula sa kamay ng mga mandurukot at masasamang kawatan.
Magkagayon man, iba pa rin ang palaging nag-iingat.
Hangga't maari ay iwasan ang pagdidisplay ng mga smartphones lalo na sa mga matataong lugar at sa mga lugar na talamak ang nakawan. Mag-cellphone lang kung may kailangang saguting tawag o ise-send na emergency text.
Maging laging alisto at huwag maging patay malisya sa kapaligiran. Kung pwedeng huwag munang maglaro ng mga games, mag-sound trip sa napakalakas na volume ng mp3 player, maglagay ng mga status at mag-upload ng mga selfie sa iyong mga social media accounts habang ikaw ay on the go para hindi ka maging target ng mga takaw matang snatcher.
Itago ang smartphone sa iyong secret compartment at huwag masanay na lagi itong binubulsa. Kung meron kang lumang model na phone, ito na lang ang gawin mong primary utility phone. At kung hindi naman talaga kailangang magdala ng high-end na phone ay iwan mo na lang ito sa bahay.
And if worst comes to worst, kapag nasa gitna ka na nang nagbabagang holdapan ay ibigay mo na lang ang cellphone mo kapag nag-demand na ang mandurukot. Huwag ka nang pumalag, makipag-agawan, at manlaban pa. Hindi mapapalitan ng halaga ng cellphone mong mamahalin ang kaligtasan at halaga ng kaisa-isa mong buhay dito sa mundo.
Ang cellphone ay naging isa na sa mga maituturing na primary necessities ng mga tao sa lipunan. Ngunit, tandaan din natin na sa bawat pagpapalit ng mga henerasyon, may mga bagay nagkakaroon ng version 2.0, mga bagay na nagiging outdated, at mga bagay na nagiging extinct. Hindi man naibalik sa akin ang natangay na Nokia 3310, itinuro sa akin ng pangyayaring ito ang dalawang bagay:
Back to basics. Magbago man ang panahon ay babalik at babalik ka pa rin sa mga basics ng iyong buhay. At appreciation. You just have to live by the moment and appreciate whatever things that you have because when these get lost or stolen along the way, these may never be found and your life may never be the same again.
No comments:
Post a Comment