Monday, April 21, 2014

B-I-N-G-O PAST TIME

Photo from: www.donnagirl.com
"Sa letrang I - SWEET..." 

Ganito ang lagi kong dinaratnan pag-uwi ko ng bahay at kapag malapit na ako sa aming gate tuwing hapon. Mga naghihiyawang ginang at kadalagahan na sumasabay sa tilamsik ng bulilyo at panantos ang bumumugad sa harap ng aming gate.

Minsan, hindi ko sinasadyang matapakan ang paa ng isang ale sa umpukang iyon na nakadalumpisak sa aking daraanan. Humingi naman ako ng paumanhin sa kanya pero nakarinig lang ako ng galit na bulyaw mula rito na para bang siya ang reyna ng buong kalsada.

Sa dati kong tirahan sa may Quezon City ay mistulang ganito rin ang eksena. Mga inang may karay-karay na bata, ang iba'y nagpapasuso pa, abalang-abala sila sa pagmamarka ng mga bingo cards na nakalatag sa kanilang harapan.

Doon nama'y makakarinig ka ng sari-saring tsismis tungkol sa buhay ng kung sino-sinong kapitbahay. Minsan pa nga dahil sa sobrang init ng balitang kumakalat ay maya't maya lang ay may aabutan kang nang nagbabangayan.

Naisip ko yung dati kong kapitbahay. Bingo sa umaga, bingo sa hapon, at bingo sa gabi. Dahil sa kawalan ng hanapbuhay at dahil na rin sa hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ay sa bingguhan na niya itinatawid ang pambili nila ng ulam ng kanyang buong mag-anak.

Minsan, narinig ko sila ng kinakasama niya na nagtatalo dahil sa inuuna pa nito ang paglalaro ng bingo kaysa sa pag-aasikaso sa mga anak nito. Nagtatalo rin sila madalas dahil iyong sahod na inuuwi ng lalaki niyang kinakasama ay sa bingguhan din napupunta.

Noong bata pa ako, natutunan kong maglaro ng bingo noong sinasama pa ako ng tatay ko sa Family Day celebration nila sa dati niyang pinapasukang ospital.

Mga 20-25 bingo games, kung natatandaan ko pang mabuti, yung nilalaro namin hanggang madaling araw. Sa bawat laro ay may nakatakdang pattern na dapat buohin. Sa bawat pattern na mabubuo ng isang player ay may katumbas na premyo.

Grocery, kaban ng bigas, mga naglalakihang appliances (kadalasa'y TV, ref, at gas range). May panahon din na nagpabingo yung ospital ng isang Toyota Corolla at Lancer.

Sobrang fascinated ako kapag nakakakita ako ng mga ito. Palibhasa'y musmos pa ang aking pag-iisip noong mga panahong iyon. Isa pa'y laki ako sa hirap at walang mga ganoong uri ng kasangkapan na nakikita sa aming bahay.

Ang inaabangan kong lagi sa bingo night ay kapag punuan o block out iyong pattern ng game. Madalas kasi na puro mamahaling premyo iyong ipinamimigay sa nananalo ng game na ito. Ito yung pinaka-climax ng gabi at ang sandaling pinakahihintay ng lahat.

Nag-uumapaw na excitement ang nararamdaman ko sa tuwing nakakapuro iyong mga bingo card na tinatantusan ko. Ilang bilang na lang at bibingo na.

Pero ang mas madalas na nangyayari na yung kaisa-isang numero na inaabangan mong tawagin ay napupurnadang tawagin ng bingo caller bagkus ibang numero ang tatawagin niya sa letrang iyon at maya-maya pa'y may sisigaw na ng "Bingo!" sa kabilang dako ng gymnasium.

Bigla kaming manghihinayang. Isang numero na lang sana at nagkaroon na sana kami ng bagong appliances o di kaya'y magarang sasakyan.

Wala man kaming naiuwi ng tatay kong premyo, hindi ko naman masasabi na luhaan kami ng mga sandaling iyon. Hindi lang talaga naki-ayon sa amin ang gabi.

Kanina sa opisina, nagpabingo ang TL ko. Sa wakas naisakatuparan din ang binggong pinagplanuhan noong nakarang linggo. Paraan niya kasi ito upang maging conscious kaming lahat sa team sa bawat metrics ng aming mga scorecard.

May bingo card ka kung wala kang absent. Another bingo card kung wala kang late. Isa pang bingo card ulit kung sumusunod ka ng tama sa mga break schedules mo. At kung wala kang data accuracy error for the week, plus one card din.

Ipinamahagi na ang mga cards ayon sa qualifying event ng bawat miyembro ng team. Masayang naglaro ang lahat. May mga kasama ako sa team na ngayon lang nakapaglaro ng bingo sa tanang buhay nila.

Kahit na parang foreign language sa mga first time bingo players ang mga katagang "sa N (45), putok..." ay aliw na aliw pa rin nila itong pinakikinggan. Lalo pang naging kwela ang lahat ng pati ang basic addition ay isinama sa paglalaro ng bingo (mga numero plus one, two, three, at pati zero ay sinama rin).

Tatlong pattern lang ang nilaro namin: Big X, Big Square, at Block-out.

Hindi ako masyadong pinalad sa Big Square at Block-out. Sayang, mukhang makapal pa naman yung kumot na napanalunan ng teammate ko sa Block-out game. Di bale, nanalo naman ako ng Snickers sa Big X game. Buti nang meron, kesa wala. Bawi na lang ako ulit next week sa susunod na game.

Isang magandang libangan ang paglalaro ng bingo. Ni hindi nga sumagi sa aking kaisipan na pwede rin pala itong gamitin bilang isang motivational tool sa pag-iimprove ng performance ng mga tao sa isang team.

Ngunit ang lahat ng bagay ay mayroon ding hangganan at hindi sa lahat ng oras ay iaasa mo ang iyong kabuhayan sa paglalaro ng bingo o kahit na ano pa mang uri ng larong pampalipas oras.

"Ang pag-asenso ng isang tao ay makakamit sa matiyaga at masigasig na pagbabanat ng buto at hindi sa palagi at paulit-ulit na paglalaro ng bingo."


 

   

    

  

      

     

No comments: