Photo from: Abante Tonite & Million People March |
Tiningnan ko ang aking gross income at ihinambing ito sa aking take home pay. Masusi kong ibinaling ang aking atensyon sa aking personal income tax para sa cut-off na ito at pati na rin sa ibang mga deductions tulad ng SSS, Pag-ibig, at Philhealth na inawas sa aking kabuuang sahod ngayong payday.
Habang kino-compute ko ang lahat ng numero sa aking isip, may bigla akong narinig na nagmura sa hanay ng mga stations. Mula ito sa isa sa mga ka-opisina ko.
Ang buwis kasi na kinaltas sa kanya ay equivalent na sa isang buwang sweldo ng isang karaniwang kasambahay. Halos sa tax lang napunta lahat ang overtime pay na pinagpuyatan niya ng labindalawang araw. Malaki nga ang sweldo, malaki din ang kaltas.
Saludo ako sa diskarte at pagiging masinop sa pera ng katrabaho kong ito. Halos hindi siya nawawalan ng sideline. Pero minsan, yung kayod kalabaw na pagbabanat ng buto ay hindi rin sumasapat sa pangangailangan ng kanyang mag-anak.
Kahit hindi ako makarelate sa financial status niya since hindi pa naman ako pamilyadong tao, siguro ganito rin yung magiging himutok ko kung nagkataon na meron akong dalawang anak na pinapag-aral at halos kita ko lang ang inaasahan na tutugon sa pambayad ng pagkain, kuryente, tubig, renta ng bahay, pamasahe at allowance araw-araw. Kung minsan, isama mo na rin pati na ang pangangailangan at gastos ng iyong extended family.
Noong nagsisimula pa lamang ako sa aking career, kahit maliit pa ang sahod na tinatanggap ko noong araw ay marami na akong nabibili at nakakapag-ipon pa ako. Ngayon, lumagpas ka lang sa iyong budget at hindi mo ma-manage ng maayos ang iyong finances, parang ang hirap nang magsurvive lalo na pagsapit ng petsa de peligro - ito yung critical week na halos wala ka nang mahugot sa iyong bulsa at magbibilang ka pa ng ilang araw bago malagyan muli ang iyong ATM account.
Ganito na ba talaga kalala ang inflation sa Pilipinas? Halos pataas ng pataas ang presyo ng lahat ng bagay.
Sa halos mahigit na isang dekada ko sa paghahanapbuhay, inisip ko kung saan ba talaga napupunta ang buwis na binabayad ko sa pamahalaan. Sa aking pananaw, kabilang ako sa milyun-milyong Pinoy na nagpapasahod sa mga tao sa pamahalaan. Para sa akin, may bahagi pa rin ang aking munting kuro-kuro sa lipunang ito. Kahit na hindi ako madalas bumoto tuwing eleksyon, regular na taxpayer naman ako and I deserve an acceptable reason kung saan ginagastos ng pamahalaan ang tax na kinukuha nito sa akin.
Kung hindi rin sa pinagpawisan kong kita ay hindi rin mabibigyan ng sahod at benepisyo ang mga kawani ng pamahalaan, hindi makakapagtalaga ng mga guro sa mga pampublikong paaralan, hindi makakapagpatayo ng mga pampublikong pagamutan sa mga liblib na lugar, hindi makakapagpagawa ng mga tulay at kalsada sa mga kanayunan, hindi makakapagpundar ng mga kagamitan ang kapulisan at sandatahang lakas ng ating bansa - ang lahat ng ito ay dahil sa buwis na ipinapataw sa akin ng gobyerno.
Sa kabila ng lahat ng ito, nakakalungkot isipin na hindi ko man lang nararamdaman ang karampatang serbisyo na sana'y binabalik ng pamahalaan sa kanyang mga mamamayan. Mahaba at mabagal na pila sa mga ahensya ng gobyerno, under the table para mapabilis ang proseso, kung minsa'y palpak o di kaya'y madalas na kawalan ng maayos na sistema - ito ang mga paulit-ulit kong naririnig na angal ng aking mga kababayan.
Nakakapanghinayang. Nakakadismaya. Nakakainit ng ulo at nakakapanginig ng laman lalo na kung malalaman mo na sa mga tiwaling kamay napupunta ang iyong mga pinagpapaguran. Pakiramdam mo'y panghabambuhay kang pinagkaitan at pinagnakawan bilang isang anak ng bayan.
Mabuti sana kung may delicadeza ang mga tiwaling ito na mag-resign sa pwesto at panagutan sa taong bayan ang bunga ng kanilang mga katiwalian. Ngunit patuloy pa rin ang mga ito sa pagbubulagbulagan at pagbibingibingihan. Tuloy pa rin ang pagkapit-tuko sa kapangyarihan. Tuloy pa rin ang paglalaro ng Solitaire, Candy Crush, at Bejeweled.
Kamakailan, may nabasa akong balita tungkol sa bill na kinatha ni Sen. Sonny Angara, ang Senate Bill 2149 na naglalayong i-adjust ang personal income tax bracket. Mula sa kasalukuyang 32% ay unti-unti itong bababa sa susunod na tatlong taon hanggang sa maging 25% na lang ito pagdating ng 2017.
Ang percentage na i-aadjust sa personal income tax ng isang indibidwal ay nakadepende sa amount ng income at tax bracket na kinabibilangan ng isang tax payer.
Sa panukalang ito, ako na halimbawang may taxable income na 20K pero hindi hihigit sa 70K ay magkakaroon ng tax rate na 15% simula Jan. 1, 2015. Bababa ito sa 13% sa susunod na taon at pagdating ng Jan. 1 2017 ay 10% na ang aking magiging tax rate. Sa mga susunod pang taon matapos ang 2017, since ang bracket ng aking kita sa trabaho halimbawa na lang ay lagpas sa 10K pero hindi lagpas sa 30K, mga 500 Php. plus 10% ng excess ng 10K ang kakaltasing buwis mula sa aking kita.
Sa buong ASEAN, ang Pilipinas ay pangatlo sa mga bansang may pinakamataas na income tax rate (35%). Sinusundan natin ang Vietnam na may 35% tax rate at Thailand nasa 37%. Samantala, sa Singapore matatagpuan sa buong Southeast Asia ang may pinakamababang personal income tax rate na nasa 20%.
Good news ito para sa isang trabahanteng gaya ko. Malaking bagay din ito para sa akin kung maisasabatas ang panukalang ito lalo na ngayon na patuloy na nagtataasan ang lahat ng presyo ng produkto at serbisyo dito sa Pilipinas habang matagal nang napag-iwanan ang kita ng isang ordinaryong Juan Dela Cruz.
Sa Labor Day na ito, wish ko lang ay sana tuluyan nang maipasa at maging batas ang Senate Bill 2149 nang sa gayon ay maging sapat ang pantawid pagkain sa hapag-kainan, mabawasan ang mga listahan ng utang na binabayaran, tulyang mapag-aral ang lahat ng miyembro ng pamilya na dapat pumasok sa eskwela, matustusan ang mga gamot at iba pang gastos medikal, at makapagpatayo ng isang disenteng tirahan nang hindi na magkawatak-watak pa ang pamilya ng nakararami sa atin.
Sa pagpunta ko sa ATM, kahit na malaki-laki rin ang ibinawas sa aking sahod ay buong puso at ngiti ko pa ring pinagpapasalamat ang bunga ng aking pinaghirapan. Gaano man kalaki o kaliit ito, ang mahalaga ay nanggaling ito sa marangal na paraan at magagamit ito upang may maipagpalang mga tao at pati na rin ang gobyerno na tatanggap nito.
At para sa ating gobyerno, ika nga sa salitang kanto - "ayusin nyo ang trabaho nyo" nang kaming mga kababayan at "boss" ninyo ay malugod naman sa inyo.
[Sa panahon ng pagkakasulat ng akdang ito ay kasalukuyan pa rin na patuloy na pinagdedebatihan sa Senado ang Senate Bill 2149.]