Monday, May 12, 2014

CELLPHONE: LOST, STOLEN, & FOUND

Image From: techinasia.com
Gusto kong magwala. Gusto kong isigaw ang panginginig ng aking mga laman. Ganito ang naramdaman ko mga ilang taon na ang nakaraan nang ma-realize ko na nadukutan ako ng cellphone.

Pero kahit na umatungal ako na parang leon sa galit, naisip ko noong mga sandaling iyon na wala na rin namang mangyayari at wala na rin naman akong magagawa pa. Hindi na rin mababalik pang muli sa akin ang natangay na Nokia 3310.

Nanghinayang ako. Apat na libo rin ang bili ko sa cellphone na iyon noong mauso ang model na ito at kasagsagan pa nito sa market. Idagdag pa sa aking panghihinayang ang mga mahalagang text messages, notes, at contact numbers na nakasave sa sim card ng aking CP na hindi ko na muling masisilayan. Sana binalato na lang sa akin ang sim card ng mandurukot.

Pinaubaya ko na lang kay Lord ang nangyari. Sana nakatulong sa mandurukot sa kung ano mang paraan ang konting halaga na mapagbebentahan o mapagsasanglaan niya ng ninakaw niyang mobile device.

Ako rin naman kasi ang may pagkakamali kung bakit ako nadukutan noong panahon na iyon. Una, sumakay ako sa ordinaryong bus na siksikan at naka-standing ovation ang mga pasahero. Pangalawa, ibinulsa ko sa front pocket ng aking maong ang aking cellphone. At pangatlo'y hindi ako naging alisto sa mga kapwa ko pasahero sa loob ng sinsakyan kong bus.

Sa pagkakatanda ko, may grupo ng mga mamang sumakay sa may Boni sa Mandaluyong. Mga tatlo hanggang apat na kalalakihan kung hindi ako nagkakamali. Nang nasa may tulay na ang bus, sa pagitan ng Boni at Guadalupe, ay may humatak sa laylayan ng aking pantalon. Natigilan at napatingin ako sa mamang gumawa noon.

Nang huminto ang bus sa bahagi ng Guadalupe ay dali-daling nagbabaan ang mga kalalakihan na nakapaligid sa akin. Nang makalagpas lang ng Orense ang aking sinasakyan ay doon lang ako nahimasmasan. Kinapa ko ang bulsa ng aking maong. Doon ko lang napagtanto na nadukutan na pala ako. Wala na ang aking 3310.

Sa buong buhay ko, siguro mga tatlong beses na akong nawalan ng cellphone. Bukod sa pangyayaring ito sa akin sa bus, natangayan din ako ng cellphone sa loob ng simbahan. Ang pinakahuling insidente kung saan ako nawalan ay sa loob ng dati kong inuupahang bahay. Ito iyong panahon na sinanla ng dati kong housemate ang aking Nokia Express Music 3250 nang hindi ko nalalaman.

Sa mga pagkakataong nawalan ako ng cellphone, naisip ko na sana may maimbentong cellphone na may advanced biometrics feature. Iyong tipong kapag hindi na-detect ng cellphone ang fingerprint ng tunay na may-ari nito ay bigla na lang itong mag-eemit ng kuryente, magse-self destruct, at sasabog gaya ng mga gadgets sa isang James Bond o Mission Impossible na pelikula.

Kung dati ay suntok sa buwan lamang ito. Sa panahon ngayon, kung saan naghari ang mga Android at IOS powered smartphones, ang posibilidad ng pagkakaroon ng reunion sa iyong nawawala at nanakaw na cellphone ay pwedeng-pwede nang mangyari.

Nitong mga nakaraang araw ay aliw na aliw ako sa pagtuklas ng mga iba't ibang nagsulputang anti-theft applications na maari mong i-install sa iyong smartphone.

May app na kapag na-install mo ay kaya nitong magpaingay ng malakas na tunog ng sirena kapag nagalaw mo ang iyong cellphone mula sa stationary position nito, tulad ng isang kotseng may alarm system na mag-iingay kapag piliit itong binuksan.

Meron ding app na kusang nag-aactivate ng camera ng cellphone na parang CCTV. Kinukunan nito ng surveillance ang paligid kung saan naroon ang phone at ipinapadala nito sa email ng may-ari ng phone ang nakalap na mga pictures. May facial recognition feature din ito na kayang kunan ang mukha ng taong may hawak ng phone nang hindi nito nalalaman at maipapadala din sa email and mga nakuhang snapshots.

Kung gusto mo namang i-lock ang iyong cellphone, bukod pa sa automatic locking system nito, kahit na wala ito sa iyong mga palad ay meron din app para dito. Mag-login ka lang sa website ng app provider mula sa internet, mag-assign ng 4-digit PIN para sa mobile device na gusto mong i-lock at ilang segundo lang ay naka lock na ang iyong phone. Kahit na ma-unlock ng kumuha ang internal locking system ng iyong android device ay dadaan pa rin ang kumuha ng phone sa security layer na ito at hihingan ang may hawak ng phone ng tamang PIN.

May GPS feature din ang app na ito na nakakapagsabi sa may-ari ng eksaktong location ng phone. Pwede mo ring paingayin ang nawawala mong phone kahit na naka remote ka mula rito sa pamamagitan ng siren feature ng app na ito. Kailangan mo lang i-activate ang feature na ito sa website ng developer. Kapag na-activate na ang feature na ito ay tiyak na makakarinig ang sino mang may tangan cellphone ng malakas na tunog ng sirena kahit naka silent mode pa ang volume ng cellphone.

Ilan lamang ang mga ito sa mga iba't ibang uri ng anti-theft applications na available ngayon para sa mga smartphones. Sa kasalukuyan ay marami pang mga dinedevelop na mga apps na naglalayong maprotektahan ang mga cellphone mula sa kamay ng mga mandurukot at masasamang kawatan.

Magkagayon man, iba pa rin ang palaging nag-iingat.

Hangga't maari ay iwasan ang pagdidisplay ng mga smartphones lalo na sa mga matataong lugar at sa mga lugar na talamak ang nakawan. Mag-cellphone lang kung may kailangang saguting tawag o ise-send na emergency text.

Maging laging alisto at huwag maging patay malisya sa kapaligiran. Kung pwedeng huwag munang maglaro ng mga games, mag-sound trip sa napakalakas na volume ng mp3 player, maglagay ng mga status at mag-upload ng mga selfie sa iyong mga social media accounts habang ikaw ay on the go para hindi ka maging target ng mga takaw matang snatcher.

Itago ang smartphone sa iyong secret compartment at huwag masanay na lagi itong binubulsa. Kung meron kang lumang model na phone, ito na lang ang gawin mong primary utility phone. At kung hindi naman talaga kailangang magdala ng high-end na phone ay iwan mo na lang ito sa bahay.

And if worst comes to worst, kapag nasa gitna ka na nang nagbabagang holdapan ay ibigay mo na lang ang cellphone mo kapag nag-demand na ang mandurukot. Huwag ka nang pumalag, makipag-agawan, at manlaban pa. Hindi mapapalitan ng halaga ng cellphone mong mamahalin ang kaligtasan at halaga ng kaisa-isa mong buhay dito sa mundo.

Ang cellphone ay naging isa na sa mga maituturing na primary necessities ng mga tao sa lipunan. Ngunit, tandaan din natin na sa bawat pagpapalit ng mga henerasyon, may mga bagay nagkakaroon ng version 2.0, mga bagay na nagiging outdated, at mga bagay na nagiging extinct. Hindi man naibalik sa akin ang natangay na Nokia 3310, itinuro sa akin ng pangyayaring ito ang dalawang bagay:

Back to basics. Magbago man ang panahon ay babalik at babalik ka pa rin sa mga basics ng iyong buhay. At appreciation. You just have to live by the moment and appreciate whatever things that you have because when these get lost or stolen along the way, these may never be found and your life may never be the same again.         

   
  



       


           

 

Thursday, May 8, 2014

MOM NO. 2

Photo from:maidagency2.sulit.com.ph
Seven years old ako nang mag-abroad ang nanay ko. Magpapasko nang umalis siya ng Pilipinas.

Noong araw ng alis niya, natatandaan ko na Christmas party namin noon sa day care center na pinapasukan ko. Habang nasa party ako, hindi ko alam kung bakit biglang sumama ang pakiramdam ko. Bigla na lang akong nilagnat at nagsuka.

Marahil ay nagkaroon ako ng episode ng separation anxiety. Kahit bata pa ako noon, alam ko na iyon na ang huling araw na makikita ko ang nanay ko dito sa Pilipinas. Napansin ng tatay ko ang pagiging malungkot at matamlay ko noong araw na iyon kaya hindi na niya ako isinama pa sa airport para ihatid ang nanay ko.

Habang nagtratrabaho sa Qatar si Mom, si Auntie na pangalawang ate ng Dad ko ang pumuno sa physical responsibilities na iniwan ng aking biological mother. Si Auntie ang buong pusong nagtiyagang nagpalaki sa amin ng kapatid ko.

Dati siyang isang yaya at kasambahay sa tahanan ng Ninong ko sa binyag. Nang lumipat ng tirahan ang pamilya ni Ninong sa Rizal ay hindi na nila siya isinama. Iyon din ang panahon na nangibang bansa ang aking ina.

Matagal nang isang kasambahay si Auntie. Simula pa noong kadalagahan niya ay lumuwas na siya ng Maynila upang mamasukan sa tahanan ng isang negosyanteng Intsik sa may Binondo. Sa kanyang murang edad ay kinailangan niyang lisanin ang lalawigan nila para makatulong sa Kuya at Ate niya at para rin mapag-aral nila ang kanilang dalawa pang nakakabatang kapatid - isa na rito ang tatay ko. Nakuwento rin ni Auntie na nang nag-asawa ng maaga ang nakababata niyang kapatid na babae ay siya rin ang naging katuwang nito sa tuition fee at ng iba pang gastusin ng aking mga pinsan sa lalawigan.

Hanga ako sa taglay na kasipagan ni Auntie. Hindi siya tulad ng isang ordinaryong kasambahay. May kapansanan siya - isa siyang pilay.

Naging ganito ang kalagayan niya nang nahulog siya sa bubong ng bahay ng amo niyang Intsik. Pilit niya kasing kinuha sa bubungan ang tumalbog na bola ng isa sa kanyang mga alaga. May naapakan siyang marupok na bahagi ng bubong. Nawalan siya ng balanse at tuluyang nahulog. Mabuti na lang at mabait ang amo niya. Sinagot nito ang pagpapagamot ni Auntie sa Philippine Orthopedic Center.

Sa kabila ng aksidenteng kanyang sinapit ay hindi niya hinayaan na maging balakid sa kanyang buhay ang kanyang natamong kapansanan. Bagkus, mas lalo pa itong nagsilbing motivation para sa kanya.

Si Auntie ang nagturo sa aming magkapatid na magbasa, magbilang, at magsulat. May mga test papers siyang pinapasagutan sa amin. Kapag na-perfect namin ang mga test na pinapasagutan niya ay ipinaghahanda niya kami ng masarap na merienda.

Si Auntie rin ang nagturo sa aming kumain ng gulay. Dati, ayaw na ayaw kong makakita nito sa aking plato. Pero kapag siya ang nagluluto ng gulay, tiyak na mauubos namin ito ng kapatid ko. Meron kasi siyang kakaibang technique sa pagpre-prepare at pagluluto ng gulay kaya mapa-dinengdeng, inabraw, o pinakbet ang nakahain ay sure na masisimot at masisimot ito.

Bukod sa gulay, panalo rin sa panlasa namin ang kanyang chicken-pork adobo, igado, nilagang baboy at baka, barbeque, sinigang na bangus, adobong pusit at balunbalunan, spaghetti with quail eggs, pansit, arroz caldo, ginataan, at biko.

Pagdating sa paglalabada ay masasabi kong expert si Auntie. Wala maduming puting damit ang hindi niya kayang paputiin nang husto. Kahit mga de-color na damit ay nagiging matingkad ang kulay. Ni wala akong maalalang damit na kumupas na nilabhan niya, maliban na lang talaga kung sadyang kupasin yung tela ng damit. At kahit na hindi siya gumamit ng Downy o Vernell ay kayang-kaya niyang gawing mahalimuyak ang amoy ng kanyang mga labada.

Naaalala ko tuloy, kapag umuuwi kami na marumi ang suot na damit ay tiyak na makakarinig kami ng sermon kay Auntie. Mahirap ang maglaba at magpiga ng mga damit, ang daing niya sa amin. Daing din niya ang hirap na inaabot niya sa pananakit ng kayang mga braso sa maghapong pagpipiga at pagsusugat ng kanyang mga daliri sa halos araw-araw na pagkukusot ng mga damit.

Champion din si Auntie kapag plantsahan ang usapan. Kahit na natambakan na siya ng plantsahin ay wala siyang pinapalagpas na kusot sa bawat piraso ng damit na kanyang pinapasadahan. Hindi ko maisip kung paano niya nagagawang pulido at malinis ang mga pinaplantsa niyang damit. Minsan, sinubukan kong gayayin yung style niya sa pagpla-plantsa. Ni hindi man lang umabot iyong mga pinalantsa ko sa kalingkingan ng ironing standards niya.

Pag uwi namin galing sa eskwela ay magaan ang pakiramdam namin dahil nadaratnan namin ang aming bahay na maayos, malinis, at kaaya-aya. Walang mahahagip na agiw, alikabok, o kahit na konting kalat. Parang merong taglay na magnet si Auntie sa kanyang pagwawalis, papaano'y sa isang hagod niya lang ng walis tambo ay marami na siyang nakalap na dumi. Kaya kung kami ang naglilinis ng bahay, palaging merong round two si Auntie. Gusto niya kasi talagang tiyaking malinis ang lahat sa aming bahay.

Kapag may sakit naman ang isa sa amin ng kapatid ko, si Auntie ang aming round the clock nurse. Siya ang matiyagang nagpupuyat para i-check ang aming temperature, nagpupunas sa amin ng maligamgam na bimpo, nagpapainom ng gamot, nagpapalit ng shirt na basa na ng pawis, nagpapakain sa amin ng mainit na lugaw o noodles, at nanghihilot sa mga sumasakit naming kasu-kasuan.

Natatandaan ko kapag nag-uuwi kami ng star, certificate, ribbon, o medal mula sa school - kahit hindi siya nakadalo sa mga school events, ay sobrang proud siya at ipinamamalita niya ito sa mga kapitbahay at sa mga iba pa niyang mga kakilala. Siya ang aming number one cheerleader. Para sa kanya ay nagbunga rin ang mga pagpipiga ng mga damit, paglilinis ng mga kwarto, at ang mga pagbubunganga lalo na kapag nagiging sobrang pasaway na kami ng kapatid ko.

Ito ang mga bagay na nami-miss ko kay Auntie. Sayang at wala na siya.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapatawad ang sarili ko dahil isa ako sa naging dahilan ng kanyang pagpanaw.

Sabado ng gabi noon, mga unang linggo ng Marso, nang magyaya ng inuman ang mga kasama ko sa trabaho. Sa bahay ng isa sa mga katrabaho ko sa Cavite kami nag-inuman. Inabot ako ng hating gabi sa bahay nila. Buti na lang at nakaya ko pang umuwi nang mag-isa ng madaling araw.

Linggo ng tanghali nang kinatok ako sa kwarto ni Auntie. Hiningi niya ang tulong ko para hulihin ang alaga naming aso. Papaliguan niya raw kasi ito. Nahihilo akong bumangon sa aking higaan. Ramdam ko pa ang epekto ng Red Horse sa aking sistema.

Habang hinuhuli ko si Madona, ang alaga naming aso noong time na iyon, ay naghain na si Auntie ng pananghalian. Mauna na lang daw kaming kumain at susunod na lang siya matapos niyang magpaligo ng aso.

Halos mahigit dalawang oras na at hindi pa lumalabas ng banyo si Auntie. Natapos na kaming kumain ng kapatid ko at nagsimula na rin kaming magligpit ng pinagkainan. Wala pa rin siya.

Tanging ang mabilis na pagpatak ng tubig sa gripo at ang aw-aw ng aming alagang aso ang aming narinig nang kinatok namin ang pinto ng banyo. "Auntie," ang tawag namin habang patuloy kami sa pagkatok. Walang sumagot.

Pilit naming binuksan ang pinto. Natigilan kami sa aming nakita. Tumambad sa amin ang nakahandusay na katawan ni Auntie sa may toilet bowl. Hindi na siya gumagalaw. Hindi na siya nakadilat. Nagpanic kami ng kapatid ko.

Sinugod namin siya sa ospital. Cerebrovascular Aneurysm ang naging ruling ng doktor na tumingin sa kanya. Kailangan niyang operahan sa utak sa lalong madaling panahon para mapigilan ang pagdudugo ng nasirang ugat sa kanyang ulo.

Naluha ako. Natakot. Sinisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Kung hindi sana ako nakipag-inuman at umuwi sana ako ng maaga noong gabing bago nangyari ang aksidente...Kung ako na lang sana ang nagpaligo sa alaga naming aso...Sana'y buhay pa siya at kasama namin ngayon.

Dasal ako ng dasal noong mga panahong iyon. Sana bigyan pa ni Lord si Auntie ng pagkakataong mabuhay.

Hindi ko na siya aawayin. Hindi ko na siya bibigyan ng sama ng loob. Magpapakabait na ako para hindi na siya magalit sa akin. Ito ang mga bagay na paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan sa apat na araw kong pagpunta-punta at pagbabantay sa ospital.

Naoperahan ng dalawang beses sa ulo si Auntie. Hindi na niya ito kinaya. Tinapat na kami ng doktor sa maaari niyang kahahantungan. Kapag nagdesisyon kami na manatili pa ang mga aparatong nakakabit sa kanya ay panghabambuhay na siyang magiging gulay. Hindi na rin namin ito kinaya. Nang nagflat line na ang monitor niya ay hindi na pina-resuscetate pa si Auntie.

Hindi ko magawang humagulgol noong burol at libing niya. Hindi ko alam kung bakit.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tuluyang nakakapagluksa ng maayos sa pagkawala ng aking tiyahin.

Sana nasabi ko man lang sa kanya na mahal ko siya. Sana naipakita ko man lang sa aking pangalawang ina na handa akong magbago para sa ikabubuti ng aking sarili. Dahil sa nangyaring ito ay hindi na muli ako tumikim ng kahit na ano mang alcoholic beverage.

I just miss my Auntie so badly. Things will never be the same without her. Wala na ang amoy ng mga bagong labang damit niya. Wala na ang mga malinamnam na gulay na hinahain niya. Wala na.

But I'm still hoping for that day to come...that very special day that I'll see her again in another lifetime.

Kung nasaan ka man naroroon Auntie, Happy Mother's Day...You may be my Mom number two but in my heart you'll always be first place. I love you and thank you for being a mother to me and to my sister. We'll never forget you.

[I have two mothers in my life, my biological mother and my Auntie - my second mom. This Mother's Day season, I decided to write something about the two women who have made me into the person that I am.]      

    


   



        

Tuesday, May 6, 2014

YOU'RE STILL MOM

Sa darating na linggo, ipagdiriwang ng nakararami sa atin ang Mother's Day. Sa araw na ito ay aapaw na namang muli ang mga boquet ng bulaklak na ibibigay para kay Mom, Mommy, Mama, Nanay, Inay, at Airmat. Nakakatuwang pagmasdan ang mga sandaling makikita mo ang bawat miyembro ng pamilya na nagsasalu-salo upang bigyang parangal sa kanilang munting paraan ang natatanging ilaw ng kani-kanilang tahanan.

I wish I could imagine the same moment with my own biological mother. But I can't.

Hanggang ngayon kasi ay nahihirapan akong buksan ang buong puso ko para sa kanya. It's not that I don't love her but being genuine or sincere about giving or reciprocating that love back is the most difficult part to execute on my end. Maybe it's because of pride - mana nga talaga siguro ako sa nanay ko pareho kasi kaming mataas ang pride.

If given a chance to give my Mom a message this Mother's Day, I guess here's what I'll be telling her:

Noong 5 years old ako, naaalala ko na inutusan mo akong bumili ng pandesal for merienda. Pag-uwi ko ng bahay, nalaman mong hindi ako bumili doon sa suki mong bakery kaya ang ginawa mo ay nginudngod mo iyung isang pirasong pandesal sa mga talukap ng mga mata ko.

Noong edad ko ring iyon ay tinuruan mo akong magsulat. Kapag hindi ko nasundan ng maayos ang mga lines at curves na nasa pad paper ay mabilis kang nabubugnot. Then, you would start to squeeze my hands hard hanggang sa bumakat yung lapis na ginagamit ko sa aking index finger.

Pasensya ka na. Paslit pa lang kasi ako noon kaya hindi ko pa masyadong naintindihan kung paano ko gagawin yung gusto mong mangyari. 

Kapag kasama nating kumakain ang mga kaibigan mo o di kaya'y ibang tao tuwing dinner, kapag ako ang nagiging topic ng usapan ay pagagalitan at papahiyain mo ako sa harap nila. Kapag may masakit kang nasasabi tungkol sa akin ay bigla nalang akong magiging teary eyed hanggang sa hindi ko na mapigil ang pag patak ng mga luha ko. Pero kahit na nakikita mong umiiyak na ako ay patuloy ka pa rin sa pagsasabi ng mga salitang nakakasakit sa akin.

Nagpunta ka ng Qatar noong 7 years old ako. Magpapasko noong umalis ka. Natatandaan ko yung araw na iyon kasi Christmas party namin sa daycare center noon. Sa Christmas party, naalala ko bigla akong nilagnat at nagsuka - marahil yun yung naging senyales ng nalalapit kong separation anxiety sa iyo. Siguro nga kasi alam ko na iyon na ang huling araw na makikita kita dito sa Pilipinas noong time na iyon. Sabi ni Dad, mukha daw akong matamlay at malungkot kaya hindi nya na ako isinama sa airport noong umalis ka.

Matagal kang nawala. Kahit na umuuwi ka paminsan-minsan ng bansa, mga more than 20 years ka ring absent sa buhay namin. Marami-rami ring mga mahahalagang pangyayari sa buhay naming magkapatid ang na-miss mo. Mga simpleng pangyayari na akala mo wala lang pero para sa aming magkapatid ay ito iyong mga sandali na nagbigay galak sa amin, mga sandaling huhubog ng aming pagkatao sa aming pagtanda.

May mga panahon na madalas kang sumulat sa amin. Dati, bumili ka pa ng voice recorder at dahil dito nagsimula tayong magpalitan ng mga voice tapes. Sabik naming pinapakinggan ang boses mo sa cassette.

Tapos bigla na lang nag-iba ang lahat.

Hindi ka na masyadong nagparamdam. Bihira ka nang sumulat at tumawag. Pag may natatanggap naman kaming sulat, parang kaaway mo kaming lahat dito.

Minsan, pinabasa pa sa akin ni Dad yung mga sulat mo sa kanya kung saan hindi mo lang siya inaway pero inalipusta mo pa pati ang pagkatao niya. Hindi ka umuwi nung pinapauwi ka niya. Kaya ayun, nawalan na siguro siya ng amor at naghanap na ng ibang makakasama na mag-aalaga sa kanya.

May mga utang kang binabayaran dati sa Qatar yun ang sabi mo sa amin. Pero kahit marami kang utang gaya nang sabi mo, nakuha mo pa rin na magbigay ng financial assistance kahit na sa mga hindi mo kakilala habang tipid na tipid ang budget namin dito sa Pilipinas. Buti na lang, masinop sa pera si Dad at nakagawa siya ng paraan para mairaos ang aming budget sa araw-araw.       

Hanggang sa bumalik ka na ng Pilipinas for good.

You expect that the things in our lives are still the same. You expect to take control of that void that you've left for so many years. Mabuti sana kung ganoon lang kadali ang lahat. Kung madali lang maibalik ang mga nawalang panahon mo bilang isang magulang, bilang isang ina.

Ngayon, 30 years old na ako. Hindi ka masaya sa career na napili ko. Puro pintas at puna ang naririnig kong reklamo mo sa uri ng trabahong meron ako ngayon. Ang hirap mag-adjust kapag kasama ka, parang balik high-school lang ulit ang trato mo sa akin kahit na matanda na ako at meron na akong sariling pag-iisip. Ang hirap nang maibalik pa ang lahat, lalo na nasanay na kaming wala ka at maging independent.

Alam ko at nararamdaman ko na natatakot kang mag-isa. Sana naisip mo na baka dumating ang araw na tuluyan nang mawalay ang loob ng pamilya mo sa iyo dahil wala ka sa piling nila. Naisip mo sana ang bagay na ito noong mga panahon na nangungulila ang mga mahal mo sa buhay dito sa Pilipinas. Sana nagbalik bansa ka noong maaga pa lang, noong may panahon pa.  

Despite all these, bali-baliktarin man ang mundo, the fact still remains that you're still my mom. Dinala mo ako sa iyong sinapupunan ng siyam na buwan. Kung hindi rin dahil sa iyo ay hindi ko masisilayan ang mundo.

I appreciate every ounce of effort and support that you try to put up with in living with me everyday.

I want to thank you for those times that you brought me to church and to Sunday school when I was still a kid. Thank you for praying for me. Thank you for praying to God for giving me the opportunity to encounter Him and His Son, Jesus in my life.

Ipagpatawad mo kung sobrang lumayo ang loob naming magkapatid sa iyo. Sinusubukan naman naming ilapit ang aming sarili sa iyo kaso the more that we draw close to you, the more that we become strangled by your control. We even tried to talk and listen to you but we just felt that we just can't understand each others language.

Alam ko na hindi ako naging isang mabuting anak at aminado rin naman ako na nagkulang ako. Forgive me for not turning out to be the person that you wanted me to be. I'm sorry for being a failure in your eyes and for not living up to your expectations.

Past is past. Lost time may not be brought back again but I'm still hoping for that day to come where we could just sit down, talk things through and really listen to each other, let go of our pride, and just be the mother and son that we used to be.

But for the time being, I just want to greet you a Happy Mother's Day...

[I have two mothers in my life, my biological mother and my Auntie - my second mom. This Mother's Day season, I decided to write something about the two women who have made me into the person that I am.]

 



   

   

     

Tuesday, April 29, 2014

LABOR DAY PAYDAY

Photo from: Abante Tonite & Million People March
Ngayon ay araw ng sahod sa kumpanyang pinapasukan ko at nagkataon din na ngayon ay ang Araw ng mga Uring Manggagawa dito sa Pilipinas. Pinamigay na ng mga managers sa office sa bawat isa ang kani-kaniyang mga payslip. 

Tiningnan ko ang aking gross income at ihinambing ito sa aking take home pay. Masusi kong ibinaling ang aking atensyon sa aking personal income tax para sa cut-off na ito at pati na rin sa ibang mga deductions tulad ng SSS, Pag-ibig, at Philhealth na inawas sa aking kabuuang sahod ngayong payday.

Habang kino-compute ko ang lahat ng numero sa aking isip, may bigla akong narinig na nagmura sa hanay ng mga stations. Mula ito sa isa sa mga ka-opisina ko.

Ang buwis kasi na kinaltas sa kanya ay equivalent na sa isang buwang sweldo ng isang karaniwang kasambahay. Halos sa tax lang napunta lahat ang overtime pay na pinagpuyatan niya ng labindalawang araw. Malaki nga ang sweldo, malaki din ang kaltas.

Saludo ako sa diskarte at pagiging masinop sa pera ng katrabaho kong ito. Halos hindi siya nawawalan ng sideline. Pero minsan, yung kayod kalabaw na pagbabanat ng buto ay hindi rin sumasapat sa pangangailangan ng kanyang mag-anak.

Kahit hindi ako makarelate sa financial status niya since hindi pa naman ako pamilyadong tao, siguro ganito rin yung magiging himutok ko kung nagkataon na meron akong dalawang anak na pinapag-aral at halos kita ko lang ang inaasahan na tutugon sa pambayad ng pagkain, kuryente, tubig, renta ng bahay, pamasahe at allowance araw-araw. Kung minsan, isama mo na rin pati na ang pangangailangan at gastos ng iyong extended family.

Noong nagsisimula pa lamang ako sa aking career, kahit maliit pa ang sahod na tinatanggap ko noong araw ay marami na akong nabibili at nakakapag-ipon pa ako. Ngayon, lumagpas ka lang sa iyong budget at hindi mo ma-manage ng maayos ang iyong finances, parang ang hirap nang magsurvive lalo na pagsapit ng petsa de peligro - ito yung critical week na halos wala ka nang mahugot sa iyong bulsa at magbibilang ka pa ng ilang araw bago malagyan muli ang iyong ATM account.

Ganito na ba talaga kalala ang inflation sa Pilipinas? Halos pataas ng pataas ang presyo ng lahat ng bagay.

Sa halos mahigit na isang dekada ko sa paghahanapbuhay, inisip ko kung saan ba talaga napupunta ang buwis na binabayad ko sa pamahalaan. Sa aking pananaw, kabilang ako sa milyun-milyong Pinoy na nagpapasahod sa mga tao sa pamahalaan. Para sa akin, may bahagi pa rin ang aking munting kuro-kuro sa lipunang ito. Kahit na hindi ako madalas bumoto tuwing eleksyon, regular na taxpayer naman ako and I deserve an acceptable reason kung saan ginagastos ng pamahalaan ang tax na kinukuha nito sa akin.      

Kung hindi rin sa pinagpawisan kong kita ay hindi rin mabibigyan ng sahod at benepisyo ang mga kawani ng pamahalaan, hindi makakapagtalaga ng mga guro sa mga pampublikong paaralan, hindi makakapagpatayo ng mga pampublikong pagamutan sa mga liblib na lugar, hindi makakapagpagawa ng mga tulay at kalsada sa mga kanayunan, hindi makakapagpundar ng mga kagamitan ang kapulisan at sandatahang lakas ng ating bansa - ang lahat ng ito ay dahil sa buwis na ipinapataw sa akin ng gobyerno.

Sa kabila ng lahat ng ito, nakakalungkot isipin na hindi ko man lang nararamdaman ang karampatang serbisyo na sana'y binabalik ng pamahalaan sa kanyang mga mamamayan. Mahaba at mabagal na pila sa mga ahensya ng gobyerno, under the table para mapabilis ang proseso, kung minsa'y palpak o di kaya'y madalas na kawalan ng maayos na sistema - ito ang mga paulit-ulit kong naririnig na angal ng aking mga kababayan.

Nakakapanghinayang. Nakakadismaya. Nakakainit ng ulo at nakakapanginig ng laman lalo na kung malalaman mo na sa mga tiwaling kamay napupunta ang iyong mga pinagpapaguran. Pakiramdam mo'y panghabambuhay kang pinagkaitan at pinagnakawan bilang isang anak ng bayan.

Mabuti sana kung may delicadeza ang mga tiwaling ito na mag-resign sa pwesto at panagutan sa taong bayan ang bunga ng kanilang mga katiwalian. Ngunit patuloy pa rin ang mga ito sa pagbubulagbulagan at pagbibingibingihan. Tuloy pa rin ang pagkapit-tuko sa kapangyarihan. Tuloy pa rin ang paglalaro ng Solitaire, Candy Crush, at Bejeweled.

Kamakailan, may nabasa akong balita tungkol sa bill na kinatha ni Sen. Sonny Angara, ang Senate Bill 2149 na naglalayong i-adjust ang personal income tax bracket. Mula sa kasalukuyang 32% ay unti-unti itong bababa sa susunod na tatlong taon hanggang sa maging 25% na lang ito pagdating ng 2017.

Ang percentage na i-aadjust sa personal income tax ng isang indibidwal ay nakadepende sa amount ng income at tax bracket na kinabibilangan ng isang tax payer.

Sa panukalang ito, ako na halimbawang may taxable income na 20K pero hindi hihigit sa 70K ay magkakaroon ng tax rate na 15% simula Jan. 1, 2015. Bababa ito sa 13% sa susunod na taon at pagdating ng Jan. 1 2017 ay 10% na ang aking magiging tax rate. Sa mga susunod pang taon matapos ang 2017, since ang bracket ng aking kita sa trabaho halimbawa na lang ay lagpas sa 10K pero hindi lagpas sa 30K, mga 500 Php. plus 10% ng excess ng 10K ang kakaltasing buwis mula sa aking kita.

Sa buong ASEAN, ang Pilipinas ay pangatlo sa mga bansang may pinakamataas na income tax rate (35%). Sinusundan natin ang Vietnam na may 35% tax rate at Thailand nasa 37%. Samantala, sa Singapore matatagpuan sa buong Southeast Asia ang may pinakamababang personal income tax rate na nasa 20%.

Good news ito para sa isang trabahanteng gaya ko. Malaking bagay din ito para sa akin kung maisasabatas ang panukalang ito lalo na ngayon na patuloy na nagtataasan ang lahat ng presyo ng produkto at serbisyo dito sa Pilipinas habang matagal nang napag-iwanan ang kita ng isang ordinaryong Juan Dela Cruz.

Sa Labor Day na ito, wish ko lang ay sana tuluyan nang maipasa at maging batas ang Senate Bill 2149 nang sa gayon ay maging sapat ang pantawid pagkain sa hapag-kainan, mabawasan ang mga listahan ng utang na binabayaran, tulyang mapag-aral ang lahat ng miyembro ng pamilya na dapat pumasok sa eskwela, matustusan ang mga gamot at iba pang gastos medikal, at makapagpatayo ng isang disenteng tirahan nang hindi na magkawatak-watak pa ang pamilya ng nakararami sa atin.

Sa pagpunta ko sa ATM, kahit na malaki-laki rin ang ibinawas sa aking sahod ay buong puso at ngiti ko pa ring pinagpapasalamat ang bunga ng aking pinaghirapan. Gaano man kalaki o kaliit ito, ang mahalaga ay nanggaling ito sa marangal na paraan at magagamit ito upang may maipagpalang mga tao at pati na rin ang gobyerno na tatanggap nito.

At para sa ating gobyerno, ika nga sa salitang kanto - "ayusin nyo ang trabaho nyo" nang kaming mga kababayan at "boss" ninyo ay malugod naman sa inyo.                 

[Sa panahon ng pagkakasulat ng akdang ito ay kasalukuyan pa rin na patuloy na pinagdedebatihan sa Senado ang Senate Bill 2149.]


     
             

Tuesday, April 22, 2014

UNFRIENDED & BLOCKED

"I don't know if what I did was the right one. Pero mas ok na siguro yun para di ko MAKITA mga PAGMUMUKHA nila sa FB wall ko. Hahaha...buti nga unfriend lang, di ko sila BLINOCK hahaha..."

My attention was caught by this status post while I was checking my Facebook news feed. I thought kung merong naging kaaway sa FB ang may-ari ng post na ito. For whatever reasons, may malalim siyang pinaghuhugutan kung bakit siya nag-unfriend ng isang tao sa kanyang Facebook circle of friends.

This reminded me of an incident that happened between me and a former teammate. But in this story, I was the one who had been unfriended and blocked for the rest of my Facebook life.

Hindi naman kami masyadong close ng ka teammate kong ito since hindi naman kami madalas na nagkakasama sa shift kasi magkaiba ang aming work schedules.

Tuwing meron lang mga team meetings, mga once everyweek, yung chance na nakakahalubilo ko siya. Pero for most of the time, sa mga meetings din na iyon, either day-off, naka-leave, or wala lang talaga siyang schedule for that day.

Hanggang sa lumipat na ako ng company. After a year, nabalitaan ko na lang sa Facebook through a series of posts, photo uploads, status and profile changes na napromote na pala siya as Quality Analyst sa company na iyon.

One time, he posted a quote on his FB wall. Hindi ko na lang matandaan kung ano iyung eksaktong quote na iyon. Basta, parang isang motivational quote yata iyon.

I remember making a comment about the spelling of a particular word in his quote. "Mr. QA, ganito po ang spelling ng (word)..." was what I said if I still recall it correctly.

I was just being candid about my comment regarding his post at that time and I had no ill intentions of embarrassing the person in our little Facebook community.

After a few minutes, nabasa ko ang kanyang reply. Hindi naging maganda ang kanyang timpla sa aking feedback. He took my comment as an offense.

Bago pa man ako makapagreply, I found out that I was already unfriended and blocked by him. Hindi na ako nakapagtype pa ng aking explanation. It was already late for me to send my apologies.

That day, I lost a friend on Facebook.

I was eager to make amends with him. I wanted to clear and straighten things out between the both of us regarding this feud that happened on social media. I posted an apology statement on my wall hoping that he would hear me out at umaasa ako na mababasa rin niya ang paghingi ko ng paumanhin.

One of his closest friends read and responded to my post. He acted as the mediator between the two of us. Sa kanyang best friend ko pinaabot ang lahat ng aking sorry, hoping that he will be able to listen to my sincerest apology.

Kaso lang, I never heard anything from him anymore.

After a long while, I searched his profile again on Facebook. Nasa online community pa rin naman sya. I wanted to click the send friend request button but I was hesitant. I don't know if he was able to move on after what happened and if he was still willing to include me on his friends' list.

Being rejected by people more than twice was more than enough for me. It was unbearable for me. I clicked the next page. I thought that I'd just have to leave things the way they were. Nangyari na ang nangyari and I already did my part.

Minsan, naisip ko na sana he could just have unfriended me instead of blocking me out. At least if someone unfriends you, it's like a polite way of saying na "Hey, sobra ka na...nakakainis ka na...tumigil ka na...foul ka na..." Parang break it to me gently - sabi nga ng song - ...try to spare my feelings...at least leave me with my pride. When a person blocked you on their account parang ayun na, dead end na, and definitely friendship over na in your face. 

There are times that we become thoughtless and tactless in dealing with people online regardless of how good we think our intentions are. At times, we let our emotions and our mindlessness take over our interactions. Sometimes it pays to just stop...think...and wait a minute before we point, click, and send.    

What if nag-send na lang ako ng private message to him instead of making a direct comment sa kanyang post. Maybe that way, hindi siya napahiya sa mga ibang friends niya sa FB. Maybe friends pa rin siguro kami until now.





         




 

    

  

Monday, April 21, 2014

B-I-N-G-O PAST TIME

Photo from: www.donnagirl.com
"Sa letrang I - SWEET..." 

Ganito ang lagi kong dinaratnan pag-uwi ko ng bahay at kapag malapit na ako sa aming gate tuwing hapon. Mga naghihiyawang ginang at kadalagahan na sumasabay sa tilamsik ng bulilyo at panantos ang bumumugad sa harap ng aming gate.

Minsan, hindi ko sinasadyang matapakan ang paa ng isang ale sa umpukang iyon na nakadalumpisak sa aking daraanan. Humingi naman ako ng paumanhin sa kanya pero nakarinig lang ako ng galit na bulyaw mula rito na para bang siya ang reyna ng buong kalsada.

Sa dati kong tirahan sa may Quezon City ay mistulang ganito rin ang eksena. Mga inang may karay-karay na bata, ang iba'y nagpapasuso pa, abalang-abala sila sa pagmamarka ng mga bingo cards na nakalatag sa kanilang harapan.

Doon nama'y makakarinig ka ng sari-saring tsismis tungkol sa buhay ng kung sino-sinong kapitbahay. Minsan pa nga dahil sa sobrang init ng balitang kumakalat ay maya't maya lang ay may aabutan kang nang nagbabangayan.

Naisip ko yung dati kong kapitbahay. Bingo sa umaga, bingo sa hapon, at bingo sa gabi. Dahil sa kawalan ng hanapbuhay at dahil na rin sa hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ay sa bingguhan na niya itinatawid ang pambili nila ng ulam ng kanyang buong mag-anak.

Minsan, narinig ko sila ng kinakasama niya na nagtatalo dahil sa inuuna pa nito ang paglalaro ng bingo kaysa sa pag-aasikaso sa mga anak nito. Nagtatalo rin sila madalas dahil iyong sahod na inuuwi ng lalaki niyang kinakasama ay sa bingguhan din napupunta.

Noong bata pa ako, natutunan kong maglaro ng bingo noong sinasama pa ako ng tatay ko sa Family Day celebration nila sa dati niyang pinapasukang ospital.

Mga 20-25 bingo games, kung natatandaan ko pang mabuti, yung nilalaro namin hanggang madaling araw. Sa bawat laro ay may nakatakdang pattern na dapat buohin. Sa bawat pattern na mabubuo ng isang player ay may katumbas na premyo.

Grocery, kaban ng bigas, mga naglalakihang appliances (kadalasa'y TV, ref, at gas range). May panahon din na nagpabingo yung ospital ng isang Toyota Corolla at Lancer.

Sobrang fascinated ako kapag nakakakita ako ng mga ito. Palibhasa'y musmos pa ang aking pag-iisip noong mga panahong iyon. Isa pa'y laki ako sa hirap at walang mga ganoong uri ng kasangkapan na nakikita sa aming bahay.

Ang inaabangan kong lagi sa bingo night ay kapag punuan o block out iyong pattern ng game. Madalas kasi na puro mamahaling premyo iyong ipinamimigay sa nananalo ng game na ito. Ito yung pinaka-climax ng gabi at ang sandaling pinakahihintay ng lahat.

Nag-uumapaw na excitement ang nararamdaman ko sa tuwing nakakapuro iyong mga bingo card na tinatantusan ko. Ilang bilang na lang at bibingo na.

Pero ang mas madalas na nangyayari na yung kaisa-isang numero na inaabangan mong tawagin ay napupurnadang tawagin ng bingo caller bagkus ibang numero ang tatawagin niya sa letrang iyon at maya-maya pa'y may sisigaw na ng "Bingo!" sa kabilang dako ng gymnasium.

Bigla kaming manghihinayang. Isang numero na lang sana at nagkaroon na sana kami ng bagong appliances o di kaya'y magarang sasakyan.

Wala man kaming naiuwi ng tatay kong premyo, hindi ko naman masasabi na luhaan kami ng mga sandaling iyon. Hindi lang talaga naki-ayon sa amin ang gabi.

Kanina sa opisina, nagpabingo ang TL ko. Sa wakas naisakatuparan din ang binggong pinagplanuhan noong nakarang linggo. Paraan niya kasi ito upang maging conscious kaming lahat sa team sa bawat metrics ng aming mga scorecard.

May bingo card ka kung wala kang absent. Another bingo card kung wala kang late. Isa pang bingo card ulit kung sumusunod ka ng tama sa mga break schedules mo. At kung wala kang data accuracy error for the week, plus one card din.

Ipinamahagi na ang mga cards ayon sa qualifying event ng bawat miyembro ng team. Masayang naglaro ang lahat. May mga kasama ako sa team na ngayon lang nakapaglaro ng bingo sa tanang buhay nila.

Kahit na parang foreign language sa mga first time bingo players ang mga katagang "sa N (45), putok..." ay aliw na aliw pa rin nila itong pinakikinggan. Lalo pang naging kwela ang lahat ng pati ang basic addition ay isinama sa paglalaro ng bingo (mga numero plus one, two, three, at pati zero ay sinama rin).

Tatlong pattern lang ang nilaro namin: Big X, Big Square, at Block-out.

Hindi ako masyadong pinalad sa Big Square at Block-out. Sayang, mukhang makapal pa naman yung kumot na napanalunan ng teammate ko sa Block-out game. Di bale, nanalo naman ako ng Snickers sa Big X game. Buti nang meron, kesa wala. Bawi na lang ako ulit next week sa susunod na game.

Isang magandang libangan ang paglalaro ng bingo. Ni hindi nga sumagi sa aking kaisipan na pwede rin pala itong gamitin bilang isang motivational tool sa pag-iimprove ng performance ng mga tao sa isang team.

Ngunit ang lahat ng bagay ay mayroon ding hangganan at hindi sa lahat ng oras ay iaasa mo ang iyong kabuhayan sa paglalaro ng bingo o kahit na ano pa mang uri ng larong pampalipas oras.

"Ang pag-asenso ng isang tao ay makakamit sa matiyaga at masigasig na pagbabanat ng buto at hindi sa palagi at paulit-ulit na paglalaro ng bingo."


 

   

    

  

      

     

Friday, April 18, 2014

MOMENT OF TRUTH

Matapos bilangin kung ilang tao ang nakaupo sa bawat row ng monoblocks, binilang ng facilitator ang umpok ng papel na hawak niya at sinimulang ipinamigay ito sa mga nakaupong participants. Pakiramdam ko ay para akong nasa isang pagsusulit na malapit nang magsimula ano mang oras.

"Please read the instructions carefully. As much as possible, please be honest in answering the questions," paliwanag ng facilitator. "Don't compare answers with your neighbors. You all have 30 minutes to answer these questions," dagdag pa niya.

Ganito ang nangyari isang Biyernes Santo ng gabi, mag-aapat na taon na ang nakalipas sa isang retreat na aking dinaluhan. 4th-year high school pa ako noong huli akong makasali sa ganitong uri ng gawain.

Once I received my copy of the questionnaire, I quickly browsed through all the items that are written on the activity paper.

Tahimik ang lahat ng participants at naging abala sila sa pagsagot sa mga tanong.

Mabusisi kong tinutukan ang tanong na nakasulat sa papel. Parang ang hirap gawin ng activity. Hindi ko alam kung paano ko sisimulang sagutin ang tanong dito.

PLEASE CHECK ALL THE SINS THAT YOU HAVE DONE IN YOUR LIFE.

At iyon na, naka-enumerate ang lahat ng mga kasalanan sa papel.

Natigilan ako. Napaisip. May mga gunitang nagbalik sa aking ala-ala sa bawat kasalanan na aking nabasa. Mga sarili kong kabulukan na ayaw ko nang balikan pang muli.

There were some items on the list that I was able to quickly identify with myself. These were sins that one might consider to be less grave. And yet, there were also some big words on the list that one might consider to be of a higher degree. Sins that someone might not think twice worthy of condemning.

Sa puntong iyon, hindi ko alam kung magpapatuloy pa ba ako sa pagsagot. Nagdadalawang isip ako kung lalaktawan ko ba iyong mga seryosong kasalanan na nakasulat na nagdaan sa buhay ko or should I disclose these sins that I did out in the open.

Matagal na hindi gumalaw ang aking ballpen. Patuloy kong pinagnilay-nilayan ang mga susunod kong gagawin.

I became a Christian when I was in high-school. Hindi naman ganito yung naging buhay ko noong panahon na sobrang alab pa ng pakikipagrelasyon ko kay Lord. Masaya at magaan ang loob ko, kahit na maraming mga pinagdadaanang problema.

Hindi lang siguro ako naging fully committed sa Kanya dati. I played around with our relationship.  There were times that I would justify the wrong things that I did. Then I started running away from Him. I started hiding myself from Him for a long time.

Matagal kaming nag-break ni Lord, mga halos 9 na taon. Walang prayers, walang church, walang Bible study. It was a total backslide on my end.

Hanggang sa isang araw nagising na lang ako at napagtanto na sobrang naging miserable na ang buhay ko, na wala nang patutunguhan pa ang lahat. Then, I became desperate of being saved from the miseries that were happening in my life at that time.

Napagpasyahan ko na dumalo ng retreat dahil sa imbitasyon ng isang family friend. Wala naman sigurong mawawala kung pupunta ako, naisip ko.

Finally, I just decided to become honest with the questions sa activity paper. Binilugan ko ang lahat ng kasalanan na alam kong ginawa ko, kahit na yung mga items na in denial akong aminin.

Nang matapos na ang lahat ng participants sa pagsagot sa questionnaire, nagbigay muli ng instructions ang facilitator.

"Sino sa inyo ang gustong pumunta sa harapan ng silid para i-share sa lahat yung mga sagot na binigay nyo sa activity paper?" tanong niya.

May sandaling katahimikan.

Tatayo ba ako o mananatili lang ba ako sa aking kinauupuan? Kapag tumayo ako ay malalaman ng lahat kung anong klaseng pagkatao meron ako. Lahat ng lihim, kasinungalingan, at baho ay mabubulgar.  Medyo natakot ako kasi parang bumalik muli ang mga multo na aking tinatakasan.

Ngunit sa kabila ng aking mga agam-agam, bigla na lang akong napatayo sa upuan at napalakad papunta sa harap ng silid. Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin at nagkaroon ako ng tapang upang gawin iyon.

May mga mangilan-ngilan ding participants ang nagsunurang tumayo at pumunta sa harap. Matapos humilera ng lahat, muling nagsalita ang facilitator. Bigla akong kinabahan.

"Sino sa inyo ang gustong maunang magbahagi ng kanyang mga sagot sa questionnaire?"

Muling tumahimik ang lahat. Bigla kong naramdaman ang biglang pagbilis ng tibok ng aking pulso. Nakita ko na lang ang sarili ko na nakataas ang kamay kasama pa ang ibang mga participants na handa ring mag-volunteer.

May tinawag na ibang participant ang facilitator. Nang matapos nitong magpakilala ay pinahinto na siya ng facilitator. Hindi na raw namin kailangang pang magpatuloy upang gawin iyon.

Bumuhos ang luha sa aking mga mata ng sandaling iyon. Napahagulgol ako. Para sa akin kasi, sa tanang buhay ko, doon ko lang masasabi na naging totoo at nagpakatotoo ako sa sarili ko.

At that point, I felt that I heard a voice saying na "Kahit gaano ka pa kasama, basta magpakatotoo ka lang, tatanggapin pa rin kita...kasi mahal kita".

Paulit-ulit ko itong narinig. Walang tigil ang aking pag-iyak. That was also the first time that I cried my heart out after a long time.

A bonfire was set-up that evening. Sa bonfire session na iyon, naalala ko na sinunog namin yung mga activity paper na aming sinagutan.

At that point, I realized that there was a Man who willingly died for me...who gave up Himself to pull me out of my miseries so that I could have a fresh start. All this simply just because He loves me, that's it...

I felt a sense of peace in my heart. I felt that at that moment, I was given another opportunity to start a new. A clean slate and a new beginning.

That was my moment of truth.