Monday, May 12, 2014

CELLPHONE: LOST, STOLEN, & FOUND

Image From: techinasia.com
Gusto kong magwala. Gusto kong isigaw ang panginginig ng aking mga laman. Ganito ang naramdaman ko mga ilang taon na ang nakaraan nang ma-realize ko na nadukutan ako ng cellphone.

Pero kahit na umatungal ako na parang leon sa galit, naisip ko noong mga sandaling iyon na wala na rin namang mangyayari at wala na rin naman akong magagawa pa. Hindi na rin mababalik pang muli sa akin ang natangay na Nokia 3310.

Nanghinayang ako. Apat na libo rin ang bili ko sa cellphone na iyon noong mauso ang model na ito at kasagsagan pa nito sa market. Idagdag pa sa aking panghihinayang ang mga mahalagang text messages, notes, at contact numbers na nakasave sa sim card ng aking CP na hindi ko na muling masisilayan. Sana binalato na lang sa akin ang sim card ng mandurukot.

Pinaubaya ko na lang kay Lord ang nangyari. Sana nakatulong sa mandurukot sa kung ano mang paraan ang konting halaga na mapagbebentahan o mapagsasanglaan niya ng ninakaw niyang mobile device.

Ako rin naman kasi ang may pagkakamali kung bakit ako nadukutan noong panahon na iyon. Una, sumakay ako sa ordinaryong bus na siksikan at naka-standing ovation ang mga pasahero. Pangalawa, ibinulsa ko sa front pocket ng aking maong ang aking cellphone. At pangatlo'y hindi ako naging alisto sa mga kapwa ko pasahero sa loob ng sinsakyan kong bus.

Sa pagkakatanda ko, may grupo ng mga mamang sumakay sa may Boni sa Mandaluyong. Mga tatlo hanggang apat na kalalakihan kung hindi ako nagkakamali. Nang nasa may tulay na ang bus, sa pagitan ng Boni at Guadalupe, ay may humatak sa laylayan ng aking pantalon. Natigilan at napatingin ako sa mamang gumawa noon.

Nang huminto ang bus sa bahagi ng Guadalupe ay dali-daling nagbabaan ang mga kalalakihan na nakapaligid sa akin. Nang makalagpas lang ng Orense ang aking sinasakyan ay doon lang ako nahimasmasan. Kinapa ko ang bulsa ng aking maong. Doon ko lang napagtanto na nadukutan na pala ako. Wala na ang aking 3310.

Sa buong buhay ko, siguro mga tatlong beses na akong nawalan ng cellphone. Bukod sa pangyayaring ito sa akin sa bus, natangayan din ako ng cellphone sa loob ng simbahan. Ang pinakahuling insidente kung saan ako nawalan ay sa loob ng dati kong inuupahang bahay. Ito iyong panahon na sinanla ng dati kong housemate ang aking Nokia Express Music 3250 nang hindi ko nalalaman.

Sa mga pagkakataong nawalan ako ng cellphone, naisip ko na sana may maimbentong cellphone na may advanced biometrics feature. Iyong tipong kapag hindi na-detect ng cellphone ang fingerprint ng tunay na may-ari nito ay bigla na lang itong mag-eemit ng kuryente, magse-self destruct, at sasabog gaya ng mga gadgets sa isang James Bond o Mission Impossible na pelikula.

Kung dati ay suntok sa buwan lamang ito. Sa panahon ngayon, kung saan naghari ang mga Android at IOS powered smartphones, ang posibilidad ng pagkakaroon ng reunion sa iyong nawawala at nanakaw na cellphone ay pwedeng-pwede nang mangyari.

Nitong mga nakaraang araw ay aliw na aliw ako sa pagtuklas ng mga iba't ibang nagsulputang anti-theft applications na maari mong i-install sa iyong smartphone.

May app na kapag na-install mo ay kaya nitong magpaingay ng malakas na tunog ng sirena kapag nagalaw mo ang iyong cellphone mula sa stationary position nito, tulad ng isang kotseng may alarm system na mag-iingay kapag piliit itong binuksan.

Meron ding app na kusang nag-aactivate ng camera ng cellphone na parang CCTV. Kinukunan nito ng surveillance ang paligid kung saan naroon ang phone at ipinapadala nito sa email ng may-ari ng phone ang nakalap na mga pictures. May facial recognition feature din ito na kayang kunan ang mukha ng taong may hawak ng phone nang hindi nito nalalaman at maipapadala din sa email and mga nakuhang snapshots.

Kung gusto mo namang i-lock ang iyong cellphone, bukod pa sa automatic locking system nito, kahit na wala ito sa iyong mga palad ay meron din app para dito. Mag-login ka lang sa website ng app provider mula sa internet, mag-assign ng 4-digit PIN para sa mobile device na gusto mong i-lock at ilang segundo lang ay naka lock na ang iyong phone. Kahit na ma-unlock ng kumuha ang internal locking system ng iyong android device ay dadaan pa rin ang kumuha ng phone sa security layer na ito at hihingan ang may hawak ng phone ng tamang PIN.

May GPS feature din ang app na ito na nakakapagsabi sa may-ari ng eksaktong location ng phone. Pwede mo ring paingayin ang nawawala mong phone kahit na naka remote ka mula rito sa pamamagitan ng siren feature ng app na ito. Kailangan mo lang i-activate ang feature na ito sa website ng developer. Kapag na-activate na ang feature na ito ay tiyak na makakarinig ang sino mang may tangan cellphone ng malakas na tunog ng sirena kahit naka silent mode pa ang volume ng cellphone.

Ilan lamang ang mga ito sa mga iba't ibang uri ng anti-theft applications na available ngayon para sa mga smartphones. Sa kasalukuyan ay marami pang mga dinedevelop na mga apps na naglalayong maprotektahan ang mga cellphone mula sa kamay ng mga mandurukot at masasamang kawatan.

Magkagayon man, iba pa rin ang palaging nag-iingat.

Hangga't maari ay iwasan ang pagdidisplay ng mga smartphones lalo na sa mga matataong lugar at sa mga lugar na talamak ang nakawan. Mag-cellphone lang kung may kailangang saguting tawag o ise-send na emergency text.

Maging laging alisto at huwag maging patay malisya sa kapaligiran. Kung pwedeng huwag munang maglaro ng mga games, mag-sound trip sa napakalakas na volume ng mp3 player, maglagay ng mga status at mag-upload ng mga selfie sa iyong mga social media accounts habang ikaw ay on the go para hindi ka maging target ng mga takaw matang snatcher.

Itago ang smartphone sa iyong secret compartment at huwag masanay na lagi itong binubulsa. Kung meron kang lumang model na phone, ito na lang ang gawin mong primary utility phone. At kung hindi naman talaga kailangang magdala ng high-end na phone ay iwan mo na lang ito sa bahay.

And if worst comes to worst, kapag nasa gitna ka na nang nagbabagang holdapan ay ibigay mo na lang ang cellphone mo kapag nag-demand na ang mandurukot. Huwag ka nang pumalag, makipag-agawan, at manlaban pa. Hindi mapapalitan ng halaga ng cellphone mong mamahalin ang kaligtasan at halaga ng kaisa-isa mong buhay dito sa mundo.

Ang cellphone ay naging isa na sa mga maituturing na primary necessities ng mga tao sa lipunan. Ngunit, tandaan din natin na sa bawat pagpapalit ng mga henerasyon, may mga bagay nagkakaroon ng version 2.0, mga bagay na nagiging outdated, at mga bagay na nagiging extinct. Hindi man naibalik sa akin ang natangay na Nokia 3310, itinuro sa akin ng pangyayaring ito ang dalawang bagay:

Back to basics. Magbago man ang panahon ay babalik at babalik ka pa rin sa mga basics ng iyong buhay. At appreciation. You just have to live by the moment and appreciate whatever things that you have because when these get lost or stolen along the way, these may never be found and your life may never be the same again.         

   
  



       


           

 

Thursday, May 8, 2014

MOM NO. 2

Photo from:maidagency2.sulit.com.ph
Seven years old ako nang mag-abroad ang nanay ko. Magpapasko nang umalis siya ng Pilipinas.

Noong araw ng alis niya, natatandaan ko na Christmas party namin noon sa day care center na pinapasukan ko. Habang nasa party ako, hindi ko alam kung bakit biglang sumama ang pakiramdam ko. Bigla na lang akong nilagnat at nagsuka.

Marahil ay nagkaroon ako ng episode ng separation anxiety. Kahit bata pa ako noon, alam ko na iyon na ang huling araw na makikita ko ang nanay ko dito sa Pilipinas. Napansin ng tatay ko ang pagiging malungkot at matamlay ko noong araw na iyon kaya hindi na niya ako isinama pa sa airport para ihatid ang nanay ko.

Habang nagtratrabaho sa Qatar si Mom, si Auntie na pangalawang ate ng Dad ko ang pumuno sa physical responsibilities na iniwan ng aking biological mother. Si Auntie ang buong pusong nagtiyagang nagpalaki sa amin ng kapatid ko.

Dati siyang isang yaya at kasambahay sa tahanan ng Ninong ko sa binyag. Nang lumipat ng tirahan ang pamilya ni Ninong sa Rizal ay hindi na nila siya isinama. Iyon din ang panahon na nangibang bansa ang aking ina.

Matagal nang isang kasambahay si Auntie. Simula pa noong kadalagahan niya ay lumuwas na siya ng Maynila upang mamasukan sa tahanan ng isang negosyanteng Intsik sa may Binondo. Sa kanyang murang edad ay kinailangan niyang lisanin ang lalawigan nila para makatulong sa Kuya at Ate niya at para rin mapag-aral nila ang kanilang dalawa pang nakakabatang kapatid - isa na rito ang tatay ko. Nakuwento rin ni Auntie na nang nag-asawa ng maaga ang nakababata niyang kapatid na babae ay siya rin ang naging katuwang nito sa tuition fee at ng iba pang gastusin ng aking mga pinsan sa lalawigan.

Hanga ako sa taglay na kasipagan ni Auntie. Hindi siya tulad ng isang ordinaryong kasambahay. May kapansanan siya - isa siyang pilay.

Naging ganito ang kalagayan niya nang nahulog siya sa bubong ng bahay ng amo niyang Intsik. Pilit niya kasing kinuha sa bubungan ang tumalbog na bola ng isa sa kanyang mga alaga. May naapakan siyang marupok na bahagi ng bubong. Nawalan siya ng balanse at tuluyang nahulog. Mabuti na lang at mabait ang amo niya. Sinagot nito ang pagpapagamot ni Auntie sa Philippine Orthopedic Center.

Sa kabila ng aksidenteng kanyang sinapit ay hindi niya hinayaan na maging balakid sa kanyang buhay ang kanyang natamong kapansanan. Bagkus, mas lalo pa itong nagsilbing motivation para sa kanya.

Si Auntie ang nagturo sa aming magkapatid na magbasa, magbilang, at magsulat. May mga test papers siyang pinapasagutan sa amin. Kapag na-perfect namin ang mga test na pinapasagutan niya ay ipinaghahanda niya kami ng masarap na merienda.

Si Auntie rin ang nagturo sa aming kumain ng gulay. Dati, ayaw na ayaw kong makakita nito sa aking plato. Pero kapag siya ang nagluluto ng gulay, tiyak na mauubos namin ito ng kapatid ko. Meron kasi siyang kakaibang technique sa pagpre-prepare at pagluluto ng gulay kaya mapa-dinengdeng, inabraw, o pinakbet ang nakahain ay sure na masisimot at masisimot ito.

Bukod sa gulay, panalo rin sa panlasa namin ang kanyang chicken-pork adobo, igado, nilagang baboy at baka, barbeque, sinigang na bangus, adobong pusit at balunbalunan, spaghetti with quail eggs, pansit, arroz caldo, ginataan, at biko.

Pagdating sa paglalabada ay masasabi kong expert si Auntie. Wala maduming puting damit ang hindi niya kayang paputiin nang husto. Kahit mga de-color na damit ay nagiging matingkad ang kulay. Ni wala akong maalalang damit na kumupas na nilabhan niya, maliban na lang talaga kung sadyang kupasin yung tela ng damit. At kahit na hindi siya gumamit ng Downy o Vernell ay kayang-kaya niyang gawing mahalimuyak ang amoy ng kanyang mga labada.

Naaalala ko tuloy, kapag umuuwi kami na marumi ang suot na damit ay tiyak na makakarinig kami ng sermon kay Auntie. Mahirap ang maglaba at magpiga ng mga damit, ang daing niya sa amin. Daing din niya ang hirap na inaabot niya sa pananakit ng kayang mga braso sa maghapong pagpipiga at pagsusugat ng kanyang mga daliri sa halos araw-araw na pagkukusot ng mga damit.

Champion din si Auntie kapag plantsahan ang usapan. Kahit na natambakan na siya ng plantsahin ay wala siyang pinapalagpas na kusot sa bawat piraso ng damit na kanyang pinapasadahan. Hindi ko maisip kung paano niya nagagawang pulido at malinis ang mga pinaplantsa niyang damit. Minsan, sinubukan kong gayayin yung style niya sa pagpla-plantsa. Ni hindi man lang umabot iyong mga pinalantsa ko sa kalingkingan ng ironing standards niya.

Pag uwi namin galing sa eskwela ay magaan ang pakiramdam namin dahil nadaratnan namin ang aming bahay na maayos, malinis, at kaaya-aya. Walang mahahagip na agiw, alikabok, o kahit na konting kalat. Parang merong taglay na magnet si Auntie sa kanyang pagwawalis, papaano'y sa isang hagod niya lang ng walis tambo ay marami na siyang nakalap na dumi. Kaya kung kami ang naglilinis ng bahay, palaging merong round two si Auntie. Gusto niya kasi talagang tiyaking malinis ang lahat sa aming bahay.

Kapag may sakit naman ang isa sa amin ng kapatid ko, si Auntie ang aming round the clock nurse. Siya ang matiyagang nagpupuyat para i-check ang aming temperature, nagpupunas sa amin ng maligamgam na bimpo, nagpapainom ng gamot, nagpapalit ng shirt na basa na ng pawis, nagpapakain sa amin ng mainit na lugaw o noodles, at nanghihilot sa mga sumasakit naming kasu-kasuan.

Natatandaan ko kapag nag-uuwi kami ng star, certificate, ribbon, o medal mula sa school - kahit hindi siya nakadalo sa mga school events, ay sobrang proud siya at ipinamamalita niya ito sa mga kapitbahay at sa mga iba pa niyang mga kakilala. Siya ang aming number one cheerleader. Para sa kanya ay nagbunga rin ang mga pagpipiga ng mga damit, paglilinis ng mga kwarto, at ang mga pagbubunganga lalo na kapag nagiging sobrang pasaway na kami ng kapatid ko.

Ito ang mga bagay na nami-miss ko kay Auntie. Sayang at wala na siya.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapatawad ang sarili ko dahil isa ako sa naging dahilan ng kanyang pagpanaw.

Sabado ng gabi noon, mga unang linggo ng Marso, nang magyaya ng inuman ang mga kasama ko sa trabaho. Sa bahay ng isa sa mga katrabaho ko sa Cavite kami nag-inuman. Inabot ako ng hating gabi sa bahay nila. Buti na lang at nakaya ko pang umuwi nang mag-isa ng madaling araw.

Linggo ng tanghali nang kinatok ako sa kwarto ni Auntie. Hiningi niya ang tulong ko para hulihin ang alaga naming aso. Papaliguan niya raw kasi ito. Nahihilo akong bumangon sa aking higaan. Ramdam ko pa ang epekto ng Red Horse sa aking sistema.

Habang hinuhuli ko si Madona, ang alaga naming aso noong time na iyon, ay naghain na si Auntie ng pananghalian. Mauna na lang daw kaming kumain at susunod na lang siya matapos niyang magpaligo ng aso.

Halos mahigit dalawang oras na at hindi pa lumalabas ng banyo si Auntie. Natapos na kaming kumain ng kapatid ko at nagsimula na rin kaming magligpit ng pinagkainan. Wala pa rin siya.

Tanging ang mabilis na pagpatak ng tubig sa gripo at ang aw-aw ng aming alagang aso ang aming narinig nang kinatok namin ang pinto ng banyo. "Auntie," ang tawag namin habang patuloy kami sa pagkatok. Walang sumagot.

Pilit naming binuksan ang pinto. Natigilan kami sa aming nakita. Tumambad sa amin ang nakahandusay na katawan ni Auntie sa may toilet bowl. Hindi na siya gumagalaw. Hindi na siya nakadilat. Nagpanic kami ng kapatid ko.

Sinugod namin siya sa ospital. Cerebrovascular Aneurysm ang naging ruling ng doktor na tumingin sa kanya. Kailangan niyang operahan sa utak sa lalong madaling panahon para mapigilan ang pagdudugo ng nasirang ugat sa kanyang ulo.

Naluha ako. Natakot. Sinisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Kung hindi sana ako nakipag-inuman at umuwi sana ako ng maaga noong gabing bago nangyari ang aksidente...Kung ako na lang sana ang nagpaligo sa alaga naming aso...Sana'y buhay pa siya at kasama namin ngayon.

Dasal ako ng dasal noong mga panahong iyon. Sana bigyan pa ni Lord si Auntie ng pagkakataong mabuhay.

Hindi ko na siya aawayin. Hindi ko na siya bibigyan ng sama ng loob. Magpapakabait na ako para hindi na siya magalit sa akin. Ito ang mga bagay na paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan sa apat na araw kong pagpunta-punta at pagbabantay sa ospital.

Naoperahan ng dalawang beses sa ulo si Auntie. Hindi na niya ito kinaya. Tinapat na kami ng doktor sa maaari niyang kahahantungan. Kapag nagdesisyon kami na manatili pa ang mga aparatong nakakabit sa kanya ay panghabambuhay na siyang magiging gulay. Hindi na rin namin ito kinaya. Nang nagflat line na ang monitor niya ay hindi na pina-resuscetate pa si Auntie.

Hindi ko magawang humagulgol noong burol at libing niya. Hindi ko alam kung bakit.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tuluyang nakakapagluksa ng maayos sa pagkawala ng aking tiyahin.

Sana nasabi ko man lang sa kanya na mahal ko siya. Sana naipakita ko man lang sa aking pangalawang ina na handa akong magbago para sa ikabubuti ng aking sarili. Dahil sa nangyaring ito ay hindi na muli ako tumikim ng kahit na ano mang alcoholic beverage.

I just miss my Auntie so badly. Things will never be the same without her. Wala na ang amoy ng mga bagong labang damit niya. Wala na ang mga malinamnam na gulay na hinahain niya. Wala na.

But I'm still hoping for that day to come...that very special day that I'll see her again in another lifetime.

Kung nasaan ka man naroroon Auntie, Happy Mother's Day...You may be my Mom number two but in my heart you'll always be first place. I love you and thank you for being a mother to me and to my sister. We'll never forget you.

[I have two mothers in my life, my biological mother and my Auntie - my second mom. This Mother's Day season, I decided to write something about the two women who have made me into the person that I am.]      

    


   



        

Tuesday, May 6, 2014

YOU'RE STILL MOM

Sa darating na linggo, ipagdiriwang ng nakararami sa atin ang Mother's Day. Sa araw na ito ay aapaw na namang muli ang mga boquet ng bulaklak na ibibigay para kay Mom, Mommy, Mama, Nanay, Inay, at Airmat. Nakakatuwang pagmasdan ang mga sandaling makikita mo ang bawat miyembro ng pamilya na nagsasalu-salo upang bigyang parangal sa kanilang munting paraan ang natatanging ilaw ng kani-kanilang tahanan.

I wish I could imagine the same moment with my own biological mother. But I can't.

Hanggang ngayon kasi ay nahihirapan akong buksan ang buong puso ko para sa kanya. It's not that I don't love her but being genuine or sincere about giving or reciprocating that love back is the most difficult part to execute on my end. Maybe it's because of pride - mana nga talaga siguro ako sa nanay ko pareho kasi kaming mataas ang pride.

If given a chance to give my Mom a message this Mother's Day, I guess here's what I'll be telling her:

Noong 5 years old ako, naaalala ko na inutusan mo akong bumili ng pandesal for merienda. Pag-uwi ko ng bahay, nalaman mong hindi ako bumili doon sa suki mong bakery kaya ang ginawa mo ay nginudngod mo iyung isang pirasong pandesal sa mga talukap ng mga mata ko.

Noong edad ko ring iyon ay tinuruan mo akong magsulat. Kapag hindi ko nasundan ng maayos ang mga lines at curves na nasa pad paper ay mabilis kang nabubugnot. Then, you would start to squeeze my hands hard hanggang sa bumakat yung lapis na ginagamit ko sa aking index finger.

Pasensya ka na. Paslit pa lang kasi ako noon kaya hindi ko pa masyadong naintindihan kung paano ko gagawin yung gusto mong mangyari. 

Kapag kasama nating kumakain ang mga kaibigan mo o di kaya'y ibang tao tuwing dinner, kapag ako ang nagiging topic ng usapan ay pagagalitan at papahiyain mo ako sa harap nila. Kapag may masakit kang nasasabi tungkol sa akin ay bigla nalang akong magiging teary eyed hanggang sa hindi ko na mapigil ang pag patak ng mga luha ko. Pero kahit na nakikita mong umiiyak na ako ay patuloy ka pa rin sa pagsasabi ng mga salitang nakakasakit sa akin.

Nagpunta ka ng Qatar noong 7 years old ako. Magpapasko noong umalis ka. Natatandaan ko yung araw na iyon kasi Christmas party namin sa daycare center noon. Sa Christmas party, naalala ko bigla akong nilagnat at nagsuka - marahil yun yung naging senyales ng nalalapit kong separation anxiety sa iyo. Siguro nga kasi alam ko na iyon na ang huling araw na makikita kita dito sa Pilipinas noong time na iyon. Sabi ni Dad, mukha daw akong matamlay at malungkot kaya hindi nya na ako isinama sa airport noong umalis ka.

Matagal kang nawala. Kahit na umuuwi ka paminsan-minsan ng bansa, mga more than 20 years ka ring absent sa buhay namin. Marami-rami ring mga mahahalagang pangyayari sa buhay naming magkapatid ang na-miss mo. Mga simpleng pangyayari na akala mo wala lang pero para sa aming magkapatid ay ito iyong mga sandali na nagbigay galak sa amin, mga sandaling huhubog ng aming pagkatao sa aming pagtanda.

May mga panahon na madalas kang sumulat sa amin. Dati, bumili ka pa ng voice recorder at dahil dito nagsimula tayong magpalitan ng mga voice tapes. Sabik naming pinapakinggan ang boses mo sa cassette.

Tapos bigla na lang nag-iba ang lahat.

Hindi ka na masyadong nagparamdam. Bihira ka nang sumulat at tumawag. Pag may natatanggap naman kaming sulat, parang kaaway mo kaming lahat dito.

Minsan, pinabasa pa sa akin ni Dad yung mga sulat mo sa kanya kung saan hindi mo lang siya inaway pero inalipusta mo pa pati ang pagkatao niya. Hindi ka umuwi nung pinapauwi ka niya. Kaya ayun, nawalan na siguro siya ng amor at naghanap na ng ibang makakasama na mag-aalaga sa kanya.

May mga utang kang binabayaran dati sa Qatar yun ang sabi mo sa amin. Pero kahit marami kang utang gaya nang sabi mo, nakuha mo pa rin na magbigay ng financial assistance kahit na sa mga hindi mo kakilala habang tipid na tipid ang budget namin dito sa Pilipinas. Buti na lang, masinop sa pera si Dad at nakagawa siya ng paraan para mairaos ang aming budget sa araw-araw.       

Hanggang sa bumalik ka na ng Pilipinas for good.

You expect that the things in our lives are still the same. You expect to take control of that void that you've left for so many years. Mabuti sana kung ganoon lang kadali ang lahat. Kung madali lang maibalik ang mga nawalang panahon mo bilang isang magulang, bilang isang ina.

Ngayon, 30 years old na ako. Hindi ka masaya sa career na napili ko. Puro pintas at puna ang naririnig kong reklamo mo sa uri ng trabahong meron ako ngayon. Ang hirap mag-adjust kapag kasama ka, parang balik high-school lang ulit ang trato mo sa akin kahit na matanda na ako at meron na akong sariling pag-iisip. Ang hirap nang maibalik pa ang lahat, lalo na nasanay na kaming wala ka at maging independent.

Alam ko at nararamdaman ko na natatakot kang mag-isa. Sana naisip mo na baka dumating ang araw na tuluyan nang mawalay ang loob ng pamilya mo sa iyo dahil wala ka sa piling nila. Naisip mo sana ang bagay na ito noong mga panahon na nangungulila ang mga mahal mo sa buhay dito sa Pilipinas. Sana nagbalik bansa ka noong maaga pa lang, noong may panahon pa.  

Despite all these, bali-baliktarin man ang mundo, the fact still remains that you're still my mom. Dinala mo ako sa iyong sinapupunan ng siyam na buwan. Kung hindi rin dahil sa iyo ay hindi ko masisilayan ang mundo.

I appreciate every ounce of effort and support that you try to put up with in living with me everyday.

I want to thank you for those times that you brought me to church and to Sunday school when I was still a kid. Thank you for praying for me. Thank you for praying to God for giving me the opportunity to encounter Him and His Son, Jesus in my life.

Ipagpatawad mo kung sobrang lumayo ang loob naming magkapatid sa iyo. Sinusubukan naman naming ilapit ang aming sarili sa iyo kaso the more that we draw close to you, the more that we become strangled by your control. We even tried to talk and listen to you but we just felt that we just can't understand each others language.

Alam ko na hindi ako naging isang mabuting anak at aminado rin naman ako na nagkulang ako. Forgive me for not turning out to be the person that you wanted me to be. I'm sorry for being a failure in your eyes and for not living up to your expectations.

Past is past. Lost time may not be brought back again but I'm still hoping for that day to come where we could just sit down, talk things through and really listen to each other, let go of our pride, and just be the mother and son that we used to be.

But for the time being, I just want to greet you a Happy Mother's Day...

[I have two mothers in my life, my biological mother and my Auntie - my second mom. This Mother's Day season, I decided to write something about the two women who have made me into the person that I am.]